NAPUSPOS ng ligaya ang puso ng bawat batang patient with disabilities (PWDs) na dumalo sa espesyal na pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng pagkakatagtag ng Rotary Club of St. Ignatius District 3780 na ginanap sa MRB Sports Complex, Barangay Commonwealth, Quezon City nitong nakaraang 25 Pebrero 2020.
Umabot sa 430 batang PWDs, kasama ang 600 magulang at iba pang kaanak, ang nakiisa sa masayang carnival-themed children’s party na pangunahing sinuportahan ng Prime Care Kaagapay Life Plan Inc. (PCKLPI).
Ayon kay Moryula Geru Oliveros, president-elect ng Rotary Club of St. Ignatius at nanunungkulan din bilang President at Chairman of the Board ng PCKLPI, isang paraan ang inihatag nilang children’s party para sa batang PWDs upang maibalik sa komunidad ang biyayang tinatamasa ng bawat miyembro at opisyal ng Rotary Club.
“Mababasa sa mukha ng PWDs ang kanilang kainosentehan at kalinisan ng kalooban. Nakatutuwa rin makita na sa paghahandog ng ganitong espesyal na party ay naipapamahagi sa aming komunidad ang biyayang tinamasa ng bawat Rotarian,” pahayag ni Oliveros habang masayang pinamumunuan ang okasyong may temang “A decade of love and service.”
“Damang-dama namin ang kaligayahan nila habang nakapila para kumuha ng ice cream o cotton candy. Nakatataba ng puso na makita silang masaya habang nakapila sa train ride at maging sa pag-akyat nila sa higanteng inflatable slide at pagsali sa iba’t ibang game booths. Sa pagsasalo namin ng tanghalian kasama ang kanilang mga magulang, we are very grateful because we were able to share this blessing to these less fortunate yet very special kids,” dagdag ni Oliveros.
Kasabay ng anibersaryo, pinagkalooban ni Oliveros ng plake ng pagkilala, kasama ang kanyang kabiyak ng puso na si Rotary of St. Ignatius Champion of Service President (CSP) Jerome D. Oliveros, si governor-elect of District 3780 Johnny Gaw Yu, na nagsilbing panauhing pandangal.
Tiniyak din ni Oliveros na marami pa silang ihahandang proyekto tungo sa higit na ikabubuti at ikauunlad ng komunidad lalo’t matagumpay ang pagdiriwang ng kanilang isang dekadang anibersaryo.
“Katuwang ang Prime Care Kaagapay Life Plan Inc., makaaasa silang ipagpapatuloy namin at mas aktibo kami sa pagtulong sa ating mga kababayan hindi lamang dito sa Barangay Commonwealth kundi pati sa ibang panig ng bansa na nararating ng Rotary Club,” pagwawakas ni Oiveros.