HINDI pa man naikakalendaryo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isyu ng franchise ng ABS CBN, heto’t naghain na sa Korte Suprema ng Quo Warranto petition si Office of the Solicitor General Jose Calida.
Sa kanyang petition ay nagmamadali si SolGen Calida na tanggalan ng franchise ang ABS CBN Corporation at ang ABS CBN Convergence dahil lumalabag umano ito sa pribelihiyong ipinagkaloob sa kanila ng umiiral na batas.
Kung titingnan ang OSG at ang Kamara, mukhang mas nagmamadali ang tanggapan ng Solicitor General na resolbahin ang ‘isyu’ tungkol sa franchise ng ABS CBN.
‘Yan ay gayong responsibilidad ng Kongreso (Mababa at Mataas na Kapulungan) ang pagkakaloob at pagbawi sa prankisa ng ABS CBN.
Ano ang rason ng pagmamadali ni SolGen Calida?! Parang ‘hot’ na ‘hot’ siyang matanggalan ng franchise ang ABS CBN.
Pero ang higit na nakatatawa rito, ‘yung sinasabi ni Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo na walang kinalaman sa ‘press freedom’ ang pagmamadaling matanggalan ng franchise ang ABS CBN.
Kung ang isang malaking kompanya na nakapagbibigay ng trabaho sa malaking bilang ng mamamayan, mabilis na nakatutugon sa social responsibility sa pamamagitan ng kanilang mga outreach programs o projects para sa batayang sektor ng mga mamamayan sa bansa, mamadaliin ba ng isang pamahalaan o gobyerno na tanggalan ito ng prankisa?!
Malamang hindi, ‘di ba?
Kaya sa hakbang ni SolGen Calida na maghain ng quo warranto laban sa ABS CBN — marami ang nagtatanong, ano ang kanilang ultimong layunin?!
Para ba talaga ito sa ‘mabuti’ at ‘masugid’ na pagpapatupad ng batas?
By the way, maalala ko nga pala, ang daming talents and broadcasters ng ABS CBN ang sumuporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte noong nakaraang eleksiyon gaya nina Ka Tunying, Ted Failon at Robin Padilla, hindi kaya nila kayang pakiusapan ang Palasyo na iatras ang quo warranto?
Baka naman sila ang makahilot niyan?!
Wanna try?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap