MARAMI ang nagulat sa ibinunyag ni Undersecretary Eliseo Rio, Jr., tungkol sa paggamit ng pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ng pamumuno ni dating senador at ngayon ay Secretary Gregorio Honasan.
Bukod sa maling paggamit ng pondo ng DICT bilang intelligence fund, ‘yung P300 milyong bahagi ng pondo ay naubos sa loob ng 25 araw.
Wattafak!
Parang pacman games kung maglustay ng kuwarta ang DICT, all in the name of intelligence fund?!
Ano ba ang nangyari kay Secretary Greg Honasan?! Inisip ba niyang inilagay siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DICT para maniktik?!
Your military days were over, Mr. Gringo. Learn how to work in a civilian way.
Ayaw naman natin isipin na si Secretary Honasan ay naniniktik na parang miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR) gang?!
Hindi ba’t may panahon na ganoon ang naging ‘tsismis’ kina Honasan at ibang heneral na kabilang sa Matatag Class 71 ng Philippine Military Academy (PMA)?
Pero hanggang namatay ang nasabing isyu ay wala namang napatunayan.
Pero ngayong nabunyag ang paggamit ni Secretary Honasan sa pondo ng DICT bilang intelligence fund tila mukhang ‘nabuhay’ na naman ang ‘tsismis.’
Anyway, simple lang naman ang isyung pinag-uusapan bakit ginamit ni Secretary Greg na intelligence fund ang pondo ng DICT gayong hindi ito ang mandato ng ahensiyang kanyang pinamumunuan?!
“My original position has always been [that] the DICT cannot use a confidential fund because it’s not in our mandate to do intelligence and surveillance work,” ‘yan ang pahayag ni Usec. Rio.
Ayon kay Usec Rio, ang kanilang pondo ay P400 milyon para sa 2019 at P800 milyon para sa 2020.
Pero ang unang tungkulin ng DICT ay maging main planning body para paunlarin ang public access, consumer protection, at industry development at pagbubuo ng formula para sa cybersecurity policy ng bansa.
Pero ayon mismo kay Usec. Rio, nagtataka siya kung bakit ang programang free Wi-Fi ng gobyerno ay pinigil at parang gusto nang ibaon sa limot. Bumalik lang umano ito matapos ang matetensiyong pagpupulong at nang siya ay maetsapuwera sa decision-making, ang krusyal na bahagi ng kanyang papel sa DICT.
“I’m supposed to be the undersecretary of operations but I was not involved and have no say in their decisions,” dagdag ni Usec Rio, pero tumanggi na umanong tukuyin ang mga opisyal na nag-etsapuwera sa kanya.
Isa umano iyon sa dahilan kung bakit siya nagbitiw sa ahensiya. Sayang umano ang isinusuweldo sa kanyang ng gobyerno kung siya ay mananatiling parang ‘fixture’ lang sa loob ng ahensiya.
Hinahangad ni Rio na makapulong si Pangulong Digong para magkaroon siya ng pagkakataong masabi kung ano ang dahilan ng kanyang pagbibitiw.
Batay sa COA audit sa kanilang memorandum noong 20 Enero, nabatid na ang DICT ay nag-nag-advance ng P300 milyong cash para sa confidential expenses sa tatlong okasyon — P100 milyon noong 22 Nobyembre, P100 muli noong 2 Disyembre, at 17 Disyembre noong 2019.
Lahat umano ay sa pangalan ni Secretary Honasan at sinabing ito ay “confidential expenses in connection with cybersecurity activities.”
Sa pagrerepaso ng COA, mayroon silang nakitang depekto sa pagpoproseso ng nasabing transaksiyon.
At iyon ngayon ang binubusising maigi ng COA.
Abangan natin mga suki kung ano ang magiging kagila-gilalas na desisyon ng DICT at ni Secretary Honasan.
Pero sa palagay natin, iba ang sinasabi ng COA. Mas malamang na sinasabi nitong — humanda kayo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap