SINABI ni Yam Concepcion na mapapaisip ang sinumang manonood ng kanilang pelikulang kasalukuyang palabas na sa mga sinehan, ang Night Shift.
At totoo nga dahil habang pinanonood namin ito nang magkaroon ng premiere night noong Lunes sa SM Megamall, mapapaisip ka sa kung ano ang mga susunod na mangyayari dahil sobra ang pagka-supense ng pelikula na sinamahan pa ng magandang musical scoring. Kaya ang resulta, mabibitin ka sa bawat tagpo.
Nahirapan nga kaming humula sa kung paano iyon matatapos dahil nasa huli ang twist ng istorya. Kaya no wonder, nagandahan talaga si Yam nang mabasa pa lang ang script.
Ang Night Shift ay mula sa Viva Films at Alliud Entertainment na ang istory ay umikot sa morge na ang karakter ni Yam na si Jessie ay nagtatrabaho bilang assistant ng isang pathologist.
Hindi naniniwala si Jessie sa mga kababalaghan, ngunit nang gabing ‘yon, nakaririnig siya ng mga tunog na tila galing sa mga bangkay. Higit pa roon, nakikita niya ang paggalaw ng mga ito. Habang tumitindi ang kanyang takot, nagsimulang mag-isip si Jessie tungkol sa idea ng Huling Paghuhukom. At kung totoo ngang ang mga patay ay muling bumabangon, ang kanya namang pagkamatay ang sobra niyang kinatatakutan.
Ani Yam, fan siya ni Direk Yam Laranas kaya tinanggap niya ang project na ito. HInangaan niya ang mga ginawa nitong pelikula tulad ng Aurora (2018), The Road (2011), at Sigaw (2004).
Bukod sa magandang musical scoring, hahangaan din ang galing ni Yam sa pag-arte na hindi na naman bago sa aktres dahil hinangaan na siya sa mga nakaraan niyang proyekto.
Maganda ang eksenang nag-iisa sa pasilyo si Yam habang ang mga ilaw ay patay-sindi, gayundin ang isang kwarto na naroroon ang mga bangkay na tila muling nabuhay.
Kaya kung gusto ninyo ng katatakutan, effective ang pananakot ng Nightshift ni Yam na unang pagsabak ng aktres sa horror. Palabas na ang Night Shift sa mga sinehan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio