ANG Kongreso para sa tao ay isinasabuhay ngayon ng 18th Congress
Kasaysayan itong inuukit sa pamumuno ni Speaker Alan Peter Cayetano. Hindi lamang sa survey ratings humahataw ang kamara at ang lider nito kundi maging sa mga “historic” at “record-breaking” performance tulad ng maagang pagpapasa ng pambansang badyet, pagsasabatas sa karagdagang umento sa sahod ng mga kawani ng gobyerno at iba pang mga panukala na kabilang sa priority bills ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Heto ngayon ang karagdagan, isasagawa ang sesyon sa labas ng kongreso upang mailapit nang husto ang Kamara sa taong bayan.
Ngayong araw, Miyerkoles, Sa Batangas Convention Center gagawin ang sesyon ng Kamara upang pakinggan ng mga solon ang mga hinaing at pinagdaraanan ngayon ng mga lokal na pamahalaan, first responders, mga bakwit, at iba pang sektor na apektado ng pag-alboroto ng bulkang Taal.
Ang pagdaraos ng sesyon ng Kamara sa labas ng Batasang Pambansa Complex ay kauna-unahang mangyayari mula noong 1987. Hindi na makapaghintay ang mga mambabatas at nais na nilang pakinggan ang mga biktima ng pag-aalboroto ng Taal upang mailatag ang isang malawakang rehabilitation plan para sa mga lugar at mga taong apektado ng naturang kalamidad.
Tama ang sinabi ni Speaker Cayetamo sa kanyang privilege speech na wala tayong masyadong problema sa first responders, relief efforts at pagtulong sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad sa bansa ngunit may malaking butas o gap sa paglalatag at pagpapatupad ng rehabilitation programs para sa pagbangon ng mga biktima ng kalamidad. Tandaan natin na hanggang ngayon ay mayroon pang mga hindi pa nakababalik sa kanilang tirahan na mga biktima ng pagsabog ng Mt. Pinatubo, bagyong Yolanda, at kaguluhan sa Marawi.
Agree tayo sa sinabi ni Speaker Cayetano na kailangan ng short at long term plan sa rehabilitasyon upang manumbakik ang turismo, negosyo at normal na pamumuhay ng mga biktima ng kalamidad.
Kaya naman imbes magkomento ng kung ano-ano ang iba nating mga kababayan, hayaan natin ang ating mga mambabatas na gawin ang kanilang trabaho dahil hindi lamang ang mga panandaliang tulong ang kailangan ng mga biktima ng kalamidad kundi ang mga pangmatagalang solusyon kasama ang maayos na rehabilitation plan. Lalo ngayon na humihiling si Digong sa kongreso ng P30 bilyong supplemental budget para sa mga biktima ng Taal.
Hayaan natin na maging reliable, relevant at responsive ang ating kongreso para sa pagkakaroon ng ligtas at komportableng buhay ang mga Filipino.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap