Ayaw nating isipin na tila nagpapatupad ng ‘hamleting’ ang pamahalaan lalo ang law enforcers sa mga biktima ng pag-aalboroto ng bulkang Taal.
Pero talaga namang naawa tayo sa mga residente na tila biglang naging estranghero sa kanilang sariling bayan o bahay dahil ni silip ay ayaw silang pasilipin ng mga awtoridad.
Kung nais ng mga awtoridad na hindi mapahamak ang ating mga kababayan, hindi ba’t dapat, na hindi lang sila basta nagbababa ng patakaran kundi nagpapaliwanag at pinakikinggan rin ang hinaing ng mga biktima ng pagsabog?!
Hindi ba puwedeng bumuo ng task force na magliligtas sa mga alagang hayop ng mga residenteng apektado ng pagsabog ng bulkang Taal kung talagang concern sila sa kaligtasan ng mga biktima?!
Ang isa pang ikinalilito ng mga residente at negosyante bakit may order na lockdown sa lahat ng lugar o bayan na apektado pero sa Tagaytay ay walong barangay lamang?
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año kabilang sa lockdown ang walong (8) barangay kabilang ang Bagong Tubig, Kaybagal South, Maharlika West, Sambong, San Jose, Silang Junction South, Maharlika East, at Tolentino East.
Lahat ‘yan ay nasa ibabang bahagi ng Tagaytay.
Pero may utos din si Secretary Año, na ang pagbubukas ng mga negosyo ay nasa diskresyon ng local government units (LGUs), sa gawi ng Tagaytay ‘yan.
Kung sa bagay, hindi natin masisisi kung bakit nagkakaroon ng ganitong kalitohan kasi nga walang alternative ang mga biktima o mga bakwit kundi magtiis sa evacuation centers na walang tubig, kulang ang pagkain, at kulang din ang kanilang mga kagamitan.
Alam nating buhos ang suporta ng ating mga kababayan at ng pamahalaan pero ilang araw na silang wala sa sariling tahanan.
Gusto rin nating itanong, ano ang plano ng provincial government ng Batangas para sa mga bakwit na nasa evacuation centers?!
Iyon din siguro ang gustong marinig ng mga biktima.
‘Yung assurance na sila ay makababalik sa normal na buhay habang hinihintay nilang pumayapa ang nag-aalborotong bulkang Taal.
At iyon po siguro ang pinagmumulan ng kalitohan. Ang dapat sigurong gawin ay ipirmis muna sa isang lugar ang bawat pamilya nang sa gayon ay makapamuhay muna sila nang normal.
Unti-unting hanguin sa evacuation centers ang mga bakwit at pansamantalang itira sa mga bahay, kahit paupahan na susuportahan ng pamahalaan.
At mula roon ay tulungan silang tumayo at bumangon nang dahan-dahan.
Puwedeng sabihin na madali lang sabihin ‘yan, pero kung magiging seryoso ang programa ng gobyerno, lokal man o nasyonal, tiyak na kayang abutin ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap