NAGPAPASALAMAT si Yam Concepcion sa sunod-sunod na blessings na dumarating sa kanya ngayon. Bukod kasi sa teleseryeng Love Thy Woman, unang mapapanood ang aktres sa Nightshift ng Viva Films at Alliud Entertainment.
Sinabi ni Yam na mahirap maging choosy bukod pa sa wala pa siya roon sa level na na namimili ng roles.
“Sa akin lang, basta maganda at kung interesado ako at tingin ko maibibigay ko ang 100 percent ko, then tatanggapin ko,” sambit ni Yam sa presscon ng Nightshift sa Tiyo Craft Kitchen and Bar.
Ani Yam, tiyak na matatakot ang manonood sa bagong handog ng Viva dahil nang mabasa pa lang niya ang script nito’y kinilabutan na siya.
“Hindi ko pa napapanood ang kabuuan ng pelikula, trailer pa lang, pero there’s this eeriness sa film, ‘yun ‘yung nakakatakot. Hindi ito ‘yung parang nanggugulat lang, it’s more mas malalim pa roon, parang psychological siya,” excited na kuwento ni Yam sa Nightshift na mapapanood sa January 22.
Hindi rin naiwasan na mapabalik-tanaw ni Yam kung paano siya nagsimula bilang isang sexy star.
Samantala, sinabi naman ni Yam na tapos na siya sa pagpapa-sexy.
“Tapos na ako roon. Nagsimula ako roon, at hindi ko ikinahihiya ‘yun, I’ve done a sexy drama before and I’m done with it.”
Sinabi pa ni Yam na, ”Kasi noong time na ‘yun nagsisimula pa lang ako eh. Wala akong idea kung ano ba talaga ang nangyayari sa industriyang ito, so I really don’t have an idea.”
Kaya ngayong nabibigyan siya ng magagandang proyekto at naipakikita ang talent, nais patunayan ni Yam ang sarili bilang isang aktres.
“Tinanggap ko ‘yung ganoong mga project noon kasi I trusted my management sa career path na gusto nila para sa akin at naniniwala ako na naging mabuti ang lahat ng iyon para sa akin,” esplika ni Yam.
Pahayag pa ni Yam, wala nang offer na magpa-sexy siya. ”Wala nang offer sa akin, iba na ngayon ang mga ibinibigay sa akin.”
Magbabalik-pa-sexy lang si Yam kung maganda at interesado siya sa istorya. ”Pero ano bang klaseng sexy? Kailangan iba talaga siya eh.”
Ang Nightshift ay mula sa Viva Films at Alliud Entertainment na idinirehe ni Yam Laranas.
Ang kuwento ay iikot sa morge na ang karakter ni Yam, si Jessie ay nagtatrabaho bilang assistant ng isang Pathologist.
Hindi naniniwala si Jessie sa mga kababalaghan, ngunit nang gabing ‘yon, nakaririnig siya ng mga tunog na tila galing sa mga bangkay. Higit pa roon, nakikita niya ang paggalaw ng mga ito. Habang tumitindi ang kanyang takot, nagsimulang mag-isip si Jessie tungkol sa idea ng Huling Paghuhukom. At kung totoo ngang ang mga patay ay muling babangon, ang kanya namang pagkamatay ang sobra niyang kinatatakutan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio