INABSUWELTO ng Parañaque City Regional Trial Court (RTC) ang ngayon ay Bureau of Corrections (BuCor) Director at dalawa niyang tauhan sa kasong homicide na ikinamatay ng 10 preso sa nangyaring pagsabog sa loob ng tanggapan nito sa Parañaque City Jail noong 2016.
Base sa 16-pahinang desisyon na inilabas ni Parañaque City RTC Acting Presiding Judge Betlee-Ian Barraquiad ng Branch 274 pinawalang sala si BuCor Director Gerald Bantag.
Inabsuwelto rin ng Korte sina SJO2 Ricardo Zulueta at JO2 Victor Erick Pascua na kasama sa loob ng tanggapan ni Bantag nang mangyari ang pagsabog.
Jail warden noon si Bantag sa Parañaque city jail nang maganap ang pagsabog at kasamang namatay ang mga bilanggo sa loob ng kanyang opisina.
Sa sampung namatay kabilang ang dalawang Chinese national na pawang may mga kasong droga pero si Bantag ay nakaligtas sa pagsabog.
Sa rekord, nakasuhan si Bantag at ang mga jailguard na sina SJO2 Zulueta at JO2 Pascua ng sampung kasong murder ngunit naibaba sa homicide.
Sa desisyon ng Hukom, sinasabing bigo ang prosekusyon na patunayan ang mga elemento ng krimen laban sa mga akusado.
Wala rin sapat na ebidensiyang inilatag ang prosekusyon na nagtulungan ang mga akusado para paslangin ang sampung inmates, bukod sa mga alegasyon ng complainant na tumestigo sa pagdinig.
Matatandaan, nangyari ang insidente noong 11 Agosto 2016 dakong 7:45 pm nang sumabog ang isang granada sa loob ng opisina ni Bantag na ikinamatay nina Jacky Huang, isang Chinese national, Waren Manampen, magkapatid na Ronald at Rodel Domdom, Danilo Pineda, Joseph Villasor, Oliver Sarreal, Jeremy Flores, kapwa DOA sa Ospital ng Parañaque sina Yonghai Cai, isa rin Chinese national at Jonathan Ilas.
Sina Huang, Manampen, magkapatid na Domdom, Pineda, Sarreal, Flores, at Cai ay pawang itinuturing na “high profile inmates” na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o dangerous drugs act.
Habang sina Villasor at Ilas ay kapwa may kasong Robbery. Sugatan noon si Bantag na agad naisugod sa pagamutan.
(JAJA GARCIA)