SANA’Y ipagpatuloy ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang maigitng na kampanya laban sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na mahilig magpalusot kahit sandamakmak ang kinikita nila.
Kahit sa Pangulong Rodrigo Duterte ay galit na dahil sa mag mahilig magpalusot na POGOs.
Kamakailan ay may ipinasarang POGO ang BIR lalo nang malaman na ang kanilang branches sa Parañaque City ay hindi nakarehistro para magbayad ng buwis.
Kaya ipinasara ng BIR ang apat na branches New Oriental Club88 Corporation (NOCC) nitong Miyerkoles ng umaga.
Nabisto ng BIR na ang NOCC ay rehistrado sa Makati City bilang customer relations service provider and live studio streaming provider.
At ang kanilang Parañaque offices ay hindi rehistrado sa BIR district office kaya ipinasara ang mga opisina nila sa Icon Hotel sa Diosdado Macapagal Boulevard, Pearl Residences at Sky View Tower sa Quirino Avenue, at ang nasa Burgundy Tower sa Pacific Drive.
Mantakin naman ninyo, dapat ay nakarehistro sila
Para mgabayad ng value-added tax.
Pero alam kaya ng BIR na ganyan talaga ang modus operandi ng mga POGO na ‘yan lalo ‘yung nakabili ng Island Cove sa Cavite na ngayon ay tinatayuan ng mas malaking sentro ng ganityong negosyo?
Kunwari ay customer relations service provider and live studio streaming provider ang kanilang opisina pero sa totoo lang ang operasyon nila ay POGO.
Kahit itanong pa ninyo kay Kuya Kim W.
Maraming POGO ang naka-umbrella sa isang ‘service provider’ nang sa ganoon ay hindi sila masingil ng buwis.
Ngayong mayroon nang nabibistong ganyang klaseng operasyon ang BIR. Dapat lang nilang busisiin at sudsurin kahit ang mga sinasabing service provider o live streaming provider dahil ‘yan nga mismo ang ginagamit nila sa POGO.
Mainit na ang ulo ni Pangulo Digong, dahil pati siyang presidente ay kasama sa natutsubibo.
Ngayon, tatlong araw lang ang ibinigay ng Pangulo para magbayad ‘yang mga POGO na ‘yan.
Dahil kung hindi, matutulad ang kapalaran nila sa Cambodia — alsa balutan ang aabutin ninyong mga POGO kayo!
Sudsurin na ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap