KINALAMPAG ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Customs (BoC) sa pagpapalusot sa bansa ng alinmang uri ng electronic cigarettes.
Ang pahayag ng Pangulo ay matapos ipag-utos ang pagbabawal sa importasyon at paggamit ng vape cigarettes sa Filipinas.
Giit ng Pangulo, dapat bantayan mabuti ng BoC ang lahat ng paliparan at pantalan laban sa posiblidad na maipasok ng bansa ang vape cigarettes.
Asahan aniya ang ilalabas niyang executive order hinggil dito sa mga susunod na araw, pero sa ngayon, bawal na aniya ang paggamit nito.
Una nang inatasan ni Pangulong Duterte ang mga awtoridad na arestohin ang gumagamit ng vape sa mga pampublikong lugar.
Ayaw ng Pangulo na malulong sa paggamit ng vape ang mga Pinoy dahil sa taglay nitong matinding toxin.
Hindi naiwasang ikompara ng Pangulo ang vape na aniya ay nagtataglay ng iba’t ibang mapanganib na kemikal na hindi nalalaman ng publiko maliban sa nicotine, habang ang sigarilyo aniya ay nicotine lamang ang taglay.
ni ROSE NOVENARIO