NITONG huling linggo ng Oktubre, nakakuha ng status quo ante order sa Court of Appeals (CA) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para Peryahan ng Bayan.
Kaya antimano, nitong 27 Oktubre muling binuksan ang mga palaro sa ilalim ng Peryahan ng Bayan pero tatawagin na sa bagong pangalan na Peryahan Games.
Sa pahayag ni PCSO general manager Royina Marzan Garma, binuksan muli ang laro ngunit hindi sa lahat ng 15 lugar na may orihinal na hawak ng permit ang pinayagan makapag-operate.
Tanging sa Cebu City, NCR Central District, Rizal, Pangasinan, Oriental Mindoro, Bohol, Palawan, Puerto Princesa, Zamboanga City, at Zamboanga del Sur.
Ipinaliwanag ni Madam Garma na ang mga operators na walang Small Town Lottery (STL) ang pinayagang makapag-operate ng Peryahan Games.
‘Yan ay para maiwasan umano ang ‘conflicts’ sa pagbebenta dahil sa iisang laro na lamang nakatutok.
Matatandaan na una nang pinatigil ng PCSO ang operasyon ng Peryahan dahil hindi nakapagre-remit ang Globaltech Mobile Online Corp (Globaltech) ng halos P100 milyong kita nito.
Kinuwestiyon ng kompanya ang desisyon ng PCSO sa katuwirang hanggang 2022 pa ang kanilang permit to operate na isinasaad sa kanilang Deed of Authority.
Sa desisyon ng CA, kinatigan nito ang Globaltech at sinabing legal ang operasyon ng Peryahan batay sa isinasaad ng status quo ante order na pinapayagang makapag-operate muli ang Peryahan habang nasa arbitration ang kaso.
O ‘yan, klaro ang isinasaad sa desisyon ng CA.
Ito ay malinaw na hakbang upang ma-eliminate na ang mga ilegalistang peryante na matagal nang namamayani sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ugat din ‘yan ng korupsiyon mula sa lokal na barangay, pulisya, at sa media.
Hindi pa natin nalilimutan ang pagpaslang kay Jupiter Gonzales, kolumnista ng Remate, sa harap mismo ng isang peryahan sa Arayat, Pampanga.
Alam nating maraming nabibigyan ng trabaho ang mga perya pero ang tanong paano sila nagbabayad ng buwis sa gobyerno?!
At ‘yan ay papel na ng PCSO.
Hindi naman lingid sa publiko na ang perya ay hindi lamang rides dahil ang mas pinagkikitaan diyan ay mga perya games gaya ng color games, hulog holen at iba pa.
Kung nasa regulasyon ng PCSO ang mga perya games, mapipilitan na silang magbayad ng buwis at hindi na nila kailangang pumasok sa protection racket.
Antabayanan natin ang kahihinatnan ng kasong ito. Pansamantala, dapat igalang ng PCSO at private company ang desisyong ito ng CA.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap