PABONGGA nang pabongga ang career ni Moira dela Torre. Pagkatapos niyang magwagi sa katatapos na Awit Awards at Himig Handog 2019, isang nominasyon naman ang natanggap niya sa MTV EMA 2019, ang Best Southeast Asian Act na gagawin sa Seville, Spain.
Ani Moira, ikinagulat niya ang nominasyon. “Sobra akong na-overwhelm kasi ang daming blessings. Ang dami kasing nawalang opportunities for a while so, akala ko talaga at one point tapos na and then biglang sunod-sunod ulit, so ito po talaga ‘yung cherry on top na hindi lang mga Kapamilya rito sa Pilipinas ‘yung nakakasuporta pero pati Kapamilya abroad.”
Nominado si Moira sa kategoryang kasama sina Rich Brian ng Indonesia, Yuna ng Malaysia, Jasmine Sokko ng Singapore, Jannina Weigel ng Thailand, at Suboi ng Vietnam.
Sinabi pa ni Moira na, “Sobrang bonus po talaga lahat ‘yun but I really, really will stand by this that my greatest award is being able to reach out to people through my music.”
Naiuwi ni Moira sa Awit Awards 2019 ang Album of the Year para sa Malaya, music video at Song of the Year para sa kantang Tagpuan, at Best Collaboration para sa Knots na kinanta niya kasama si Nieman. Sa Himig Handog 2019 naman ay bilang interpreter kasama si Daniel Padilla, para sa entry ni Dan Tañedo na Mabagal na hinirang na Best Song.
Inilabas din nitong Setyembre ang kantang Paalam na kolaborasyon niya kasama ang Ben&Ben. Makikipagsanib-puwersa rin siya kay Regine Velasquez para sa theme song ng pinakabagong pelikula ng Star Cinema na Unbreakable.
Ire-release rin sa unang bahagi ng 2020 ang bagong album ni Moira sa ilalim ng ABS-CBN Music International, na rito’y nakatrabaho niya ang mga foreign artist at producer na sina HARV, DJ Flict, at Us The Duo.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio