NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo sa mga lider ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) na huwag pumili o mapilitang mamili kung sino sa China o Amerika ang kakampihan.
Sa kanyang talumpati sa 35th Asean Summit Plenary sa Thailand kamakalawa ng gabi, tinukoy ni Pangulong Duterte bilang “strategic mistake” ng mga sinundan niyang mga administrasyon ang pagkiling sa Amerika kaya itinutuwid niya ito sa pamamagitan ng kanyang ipinatutupad na independent foreign policy.
Tinalakay rin ng Pangulo ang umiiral na bagong regional landscape na kumikilala sa paglakas ng China sa mundong dinodominahan ng Amerika.
Matatandaan na isa sa pangunahing isyu laban sa Pangulo ang pakikipagmabutihan niya sa China at pagdistansya niya sa US na taliwas sa naging patakarang pro-Amerika ng mga sinundan niyang administrasyon.
Sinabi rin ng Pangulo na bilang country coordinator ng ASEAN at China, gagawin ng Filipinas ang lahat ng makakaya upang magkaroon ng konklusyon ang mga dialogo para sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa lalong madaling panahon.
Para mapagtagumpayan ang isinusulong na COC, kailangan aniyang panatilihin ng ASEAN ang isang environment na bukas sa negosasyon at kompromiso.
Iginiit ng Pangulo, dapat maresolba ang isyu sa mapayapang paraan alinsunod sa international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kailangan aniyang magkaisa ang ASEAN, at hikayatin ang lahat ng concerned parties na magpatupad ng self- restraint at iwasan ang mga aksiyon na magdudulot pa ng komplikasyon sa kasalukuyang sitwasyon.
(ROSE NOVENARIO)