ISANG dagok na naman sa hanay ng media people ang humambalos nang pagbabarilin nang limang beses si Benjie Caballero, station manager ng Radyo Juan, provincial stringer ng Remate, at presidente ng Provincial Task Force on Media Security, kahapon ng tanghali sa Tacurong City.
Hindi pa nga nakahuhuma ang Metro press people nang paslangin si Jupiter Gonzales, kolumnista ng Remate, sa harap ng isang peryahan sa Arayat, Pampanga, heto at isa na namang karumal-dumal na pagpaslang sa isang mamamahayag ang naganap.
Alalahanin na sa darating na 23 Nobyembre ay gugunitain ang ika-10 taon ng Maguindanao massacre na 52 katao ang pinaslang kabilang ang 34 mamamahayag.
Isang dekada na nating hinihintay ang katarungan na hanggang ngayon ay sing-ilap ng bulalakaw sa kalangitan.
Pero habang hinihintay natin ang katarungan para sa mga pamilya ng mga pinaslang na mamamahayag, ay unti-unti rin nalalagas ang mga nagsusulong nito.
Kabalintunaan na si Benjie ay presidente ng media security task force sa Mindanao ngunit hindi niya nabantayan ang kanyang sarili.
Bagamat sinabing nag-ulat siya sa pulisya na nakatatanggap ng death threats, hindi nagkaroon ng pisikal na seguridad para sa kanya.
Sabi nga, laging naisasalang sa kontrobersiya ang mga napapaslang na mamamahayag lalo’t ang lugar kung saan naganap ang krimen ay nakakompromiso.
Ang 52 biktima ng Maguindanao massacre ay tila naging escort ng asawa ng isang kandidato upang maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC).
Si Gonzales ay napaslang sa harap ng peryahan, at ang pinakabagong biktima, si Caballero, ay nahaharap naman sa banta ng kamatayan, ngunit lumalakad mag-isa at walang kasama.
Pero ang “element of surprise” ay hindi napaghahandaan. Ang puwede lang gawin ay mag-ingat.
Umaasa tayo na ang kaso ni Jupiter at ni Benjie ay hindi mapupunta sa wala lalo’t sila ay malapit kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Joel Egco.
Rest in peace Benjie.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap