UMAAPAW ang pasasalamat ng actor-director na si John Lapus dahil sa tagumpay na tinatamasa ng Kapamilya seryeng Kadenang Ginto. Isa si John sa apat na direktor nito, kasama sina Direk Jerry Lopez Sineneng, Avel Sunpongco, at Jojo Saguin.
Nagsimula ang career ni John sa ABS CBN bilang researcher ng Showbiz Lingo noong 1993. Mula rito ay naging bahagi siya ng iba’t ibang TV shows at pelikula-bilang TV host, aktor/komedyante, at direktor.
Sa katatapos lang na 33rd PMPC Star Awards for TV ay nagwagi bilang Best Daytime Drama Series ang Kadenang Ginto na tinatampukan nina Francine Diaz, Dimples Romana, Beauty Gonzales, Andrea Brillantes, Albert Martinez, Ronnie Lazaro, Sheree, at iba pa.
Kaya naman sobrang thankful si John sa mga biyayang ito.
Sambit niya, “Sobrang thankful, sulit ang hirap, pagod at pagpapahinga ko muna sa career ko bilang artista. Miss ko na pong umarte pero focus muna sa pagdidirek. Hopefully next year makagawa ulit ako ng work bilang actor.”
Pahayag ni John, “Napaka-fulfilling po na maging isang direktor ng number-1 drama show sa hapon. Sulit ang pagod kapag lumalabas ang ratings at nababasa ko ang mga comments ng fans sa social media.
“Salamat sa PMPC sa parangal. Kung hindi lang ako nagkasakit that day ay ako po ang kukuha kasama ng mga staff at stars namin at sasabihin kong, “We deserved this.” Hahaha! Dahil sa mga parangal na natatanggap ng Kadenang Ginto at mga artista namin, lalo pa po naming pagbubutihan ang mga mapapanood ng fans hanggang next year.”
Lamang ba ang happy kaysa stress, as a direktor ng teleserye?
“Ay, oo naman po. Ang lahat ng stress ay nawawala kapag nakikita mo at nararamdaman mo ang magandang resulta nito. Salamat sa Team KG at sa lahat ng manonood,” masayang wika pa ni Sweet.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio