Pasintabi…
Muntik po akong malaglag sa upuan nang mabasa natina ng isang press release.
Kaugnay po ito ng reklamo ng peryante groups na inihain sa isang government agency.
Reading between the lines, ang mga peryante ay nagsusumbong sa isang task force agency dahil sila umano ay ‘ginagatasan’ ng mga tiwali at nagpapakilalang mga taga-media.
‘Ginagatasan’ dahil sa loob ng peryahan ay mayroong nag-o-operate ng ‘ilegal na sugal.’
Pero ‘ipinagtanggol’ ng Perya Industry of the Philippines Association (PIPA) na pinamumunuan ng isang President Evelyn Mendoza, na ang colors game o mas kilala sa tawag na “sa pula sa puti” ay hindi ilegal.
Batay umano ito sa mga desisyong inilabas ng iba’t ibang city prosecutors office (CPO) sa mga lalawigang humawak ng mga kasong isinampa laban sa mga peryante ng pulisya base sa mga reklamong natanggap nila.
Mismong ‘yung PIPA president ang nagsabi, base umano sa mga inilabas na desisyon ng mga CPO, ang “colors game” ay hindi nabibilang sa mga bawal na sugal na isinasaad sa ilalim ng Presidential Decree No. 1602.
Anila, lahat ng operasyon nila sa iba’t ibang lugar sa mga lalawigan o kamaynilaan ay dumaraan sa tamang proseso ng pagbabayad ng tamang buwis sa mga lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan umano ng ‘amusement tax’ sila ay pinahihintulutan na makapaglagay at magkapag-operate ng peryahan sa kanilang mga lugar.
Kasama sa mga isinusumbong ng grupo ng mga peryante ang 400 kasapi ng media na umano’y tumatanggap ng ‘kotong’ mula sa kanila.
At ‘yan ang dahilan kung bakit muntik na tayong malaglag sa upuan…
Ang tanong ngayon, ang pagsusumbong ba na ‘yan ng PIPA ay may kaugnayan sa pagpaslang sa kolumistang si Jupiter sa tapat ng peryahan?!
Ang itinuturong suspek sa nasabing pamamaslang ay sinabing ‘poste’ ng peryahan pero paglaon ay sinabing ‘publicist’ ng peryahan — isang Armando Maglaya Velasco, alyas Ambet.
Narito ngayon ang mga tanong: kung matagal nang hina-harass ng mga tiwaling taga-media ang mga taga-perya, bakit kailangang paslangin muna ng isang ‘publicist’ ang isang gaya ni Jupiter bago magreklamo ang perya groups?!
Kung hindi ilegal o walang ilegal na sugal sa loob ng kanilang mga peryahan, bakit pumapayag ang mga perya operators na ‘kotongan’ sila ng sinasabi nilang 400 mamamahayag kada linggo?!
Bakit kailangan ‘ayusin’ ng mga peryante ang 400 na taga-media, milyones ba ang kinikita ng mga operators sa kanilang mga pipitsuging rides?!
At kung walang ilegal sa kanilang mga operasyon, bakit nagkakaroon ng pagkakataon o bakit pumapayag silang i-harass ng mga ‘tiwaling’ taga-media at sabi nga nila’y mga pulis?!
At higit sa lahat, bakit sa Philippine Task Force on Media Safety (PTFoMS) nagsusumbong ang grupo ng mga peryante? Bakit hindi sa mga kaukulang awtoridad nang sa gayon ay madakip ang mga tiwaling taga-media?!
Hay naku… ang sabi nga ng mga beterano, hindi kami ipinanganak kahapon lamang.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap