“HINDI ako ang unang naglabas ng statement sa media,” sabi ni Marjorie Barretto sa lahat ng eskandalong nangyari sa burol ng kanilang amang si Miguel Barretto sa Heritage Memorial Park, na roon din ginanap ang cremation ng labi ng kanilang ama noong Sabado.
Media na naman ba ang sisisihin sa paglaki ng eskandalong nangyari sa burol?
Actually walang nakakausap ang lehitimong media sa mga nangyaring gulo, lalo na nga ang entertainment press. Noong mangyari ang unang gulo, mga reporter mula sa Malacañang na siyang nagko-cover sa presidente ang nakasunod doon. Unang lumabas ang balita sa mga news breaks sa radyo.
Pagkatapos niyon ang mga sumunod na balita ay galing na sa kanila mismong mga social media post. Sila ang nagkuwento sa publiko kung ano ang mga bagay sana ay dapat na pribadong usapan lamang ng kanilang pamilya. Sila rin ang nagdawit ng pangalan ng ibang tao sa gulo, kabilang na nga ang negosyanteng si Atong Ang at si Congressman Recom Echieverri. Nanatiling observer lamang ang media.
Sa kanila rin nanggaling ang kuwento ng part 2 ng umbagan na nagkasugat-sugat at nakadama ng pagkahilo si Claudine, matapos pagtulungan umano ni Marjorie at ng anak na si Julia, at kailangang isugod sa ospital.
Sa mismong pamangkin nilang si Nicole nanggaling na siya ang girlfriend ni Atong na inagaw ng kanyang tiyahin. Kaya ngayon magsasalita na rin si Atong na hindi naman pala totoo iyon at siya ay taong may asawa at legal na pamilya.
Kung tutuusin, ang lahat ng eskandalo ay sila ang naglabas gamit ang kanilang mga social media accounts. Hindi ang lehitimong media.
HATAWAN
ni Ed de Leon