TALAGANG nasa dugo ni LA Santos ang musika. Pati kasi kurso niya sa kolehiyo ay konektado sa music. Si LA ay first year college ngayon sa De La Salle College of Saint Benilde sa kursong Music Production.
Sa panayam namin sa kanya recently ay nalaman din namin na bukod sa revival ng Isang Linggong Pag-ibig na originally ay mula kay Imelda Papin, kabilang sa aabangang kanta kay LA ang Alaala at Sala Sa Lamig at Init. And take note, si LA mismo ang nag-compose ng dalawang kanta.
“Nag-e-enjoy po ako sa career ko, enjoying life, enjoying the blessings. So, gawa lang nang gawa ng songs and I’m so excited para sa future,” sagot sa amin ni LA nang kumustahin namin ang guwapitong bagets.
Saad niya, “Yeah, please abangan n’yo iyan, sobrang bagong taste ng songs ko, kasi ako po ang nagsulat. So, you’ll see more of LA on the side po, hahaha!”
Ang genre ng Alaala ay parang hip hop at R&B at ukol daw ito sa isang araw na pag-ibig. Kumukuha raw si LA ng hugot sa mga nililikhang kanta, depende kung may broken hearted, kung masaya, or in-love.
Naka-focus ngayon sa kanyang pagiging recording artist si LA at wala raw siyang panahon sa love life.
Sinabi rin ni LA, nagagalak siya sa pagkakataong ibinigay sa kanya ni Ms. Imelda na maging bahagi ng concert ng nag-iisang Jukebox Queen na pinamagatang Imelda Papin Queen @ 45 na gaganapin sa October 26, 2019 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. Star-studded ang concert na ito at bukod kay LA, kabilang sa guests sina Andrew E, April Boy Regino, Claire dela Fuente, Darius Razon, Eva Eugenio, Jovit Baldivino, Marco Sison, Pilita Corrales, Sonny Parsons with Hagibis and Victor Wood. Kasama rin dito ang daughter niyang si Maria France (Maffi) with her three kids Keif, Zach and Xavier, sisters Gloria at Aileen, and Garry Cruz.
“Natutuwa po ako bilang isa sa pinakaunang Pinoy na makapag-perform doon sa Philippine Arena,” aniya.
Ang Philippine Arena ang isa sa pinakamalaki sa buong mundo, may kaba ba siya sa nalalapit na pag-perform doon? “Normal lang naman ‘yun, dapat naman talaga ay may kaba, kasi roon natin makokorek ang mga mali natin. Pero ready na akong mag-perform.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio