TUMATAGINTING na P196,000s ang presyo ng isang kontrobersial na painting na ginawa ni Mayor Richard Gomez na isinali sa exhibit ng Manila Art Fair sa BGC. Iyon ay painting ng isang dilaw na male genital.
Walang nagsabi kung nabili ang painting o hindi. Nauna na iyang inilabas sa kanyang one man exhibit noon sa isang gallery sa Antipolo. Pero talaga bang seryoso si Goma na iyon ay ipagbili?
Naniniwala kaming walang ibang dahilan kundi katuwaan lamang nang ipinta iyan ni Goma. Noon naman kasing una, nagpipinta siya bilang expression lamang niya. Hindi niya inisip na ibenta ang kanyang mga obra. Naisip lamang niyang magbenta nang may magsabi sa kanyang subukan niyang ibenta ang mga iyon, dahil maraming naghahanap ng mga kagaya ng obra niya. Ang idea pa, ang mapagbibilhan ng paintings ay makatutulong sa pagtatayo ng binabalak niyang museum at center of arts and culture sa Ormoc. Eh alam naman ninyo si Goma ngayon, basta sinabing pakikinabangan ng Ormoc, sige agad iyan.
Dalawang bagay kung bakit napakataas ng presyo ni Goma sa obra niyang iyon. Una, isang paraan iyon para sabihing ayaw niya iyong ibenta. Kasi nga siguro nakatuwaan lang niya iyon at gusto niyang itago. Pero kung may bibili nga ba naman eh, bakit ang hindi, tutal makagagawa naman siya ng ibang ganoon kung gusto niya.
May mga namimintas, pero alam naman ninyo ang art, walang masasabing pangit na obra. Dahil ang kagandahan ng isang obra ay nasa paningin ng mga taong nakagugusto niyo . Hindi itinuring na artist ang bantog na pintor na si Pablo Picasso noong panahong nabubuhay pa siya. Pero noong mawala siya, nagkagulo ang mga tao at hinanap ang kanyang mga painting, maging ang mga hindi tapos, at tinawag siyang isang henyo. Ang mga painting niya na tinatanggihang bilhin sa mga bangketa sa Italya noong una ay kabilang sa pinakamahal na obra sa buong mundo ngayon.
HATAWAN
ni Ed de Leon