Monday , December 23 2024

PAC@PEN

KUMUSTA?

Noong Lunes, 30 Setyembre, samantalang suspendido ang mga klase – dahil sa tigil-pasada ng mga sasakyan – pumasok pa rin sa De La Salle University (DLSU) Manila ang humigit-kumulang 200 kasapi ng 120 sentro ng PEN o Poets/Playwrights, Editors/Essayists, Novelists.

Mula sa iba’t ibang bansa, ang mga nasabing manunulat ay mula sa organisasyong isinilang sa London, Inglatera noong 1921.

Isang babaeng makata, mandudula, at aktibistang Ingles ang ina nito. Siya si Catharine Amy Dawson-Scott na nangarap buklurin ang mga manunulat pagkaraan ng Unang Digmaang Pandaigdig. Inumpisahan niya ito bilang club na nagpapakain o nagbibigay ng espasyo para magkatagpo-tagpo ang mga manunulat. Kumalat ito sa iba’t ibang bahagi ng Europa upang ang mga manunulat na naglalakbay ay magkaroon ng lunan para sa pakikipagkaibigan at pakikipagtalakayan.

Isa sa inanyayahan ni Dawson-Scott ay si John Galsworthy na kinalaunan ay naging pinakaunang presidente ng PEN na nakaisip ng posibilidad na gawin itong isang kilusang pandaigdig.

Noong una, ipinagbawal ang politika sa PEN kahit bukas ito para sa mga manunulat na may iba-ibang kultura o wika o opinyong politikal.

Subalit, ito ay imposibleng mangyari dahil sa paglaki o paglawak ng Sosyalismo pagdating ng Dekada ‘30. Noong 1933, nang ginanap ang kongreso ng PEN sa Dubrovnik, hindi na kayang balewalain ang lumalagong klima ng kawalang-paraya’t panunupil.

Isa sa mga kabataang manunulat noon ang nabahala sa PEN sapagkat hindi raw ito kumakatawan sa tunay na mukha ng panitikang Aleman.

Siya si Bertolt Brecht!

Dagdag pa ni Ernst Toller, sadyang napaka-impluwensiyal ng PEN sa lahat kung kaya’t di dapat nitong ipagwalang-bahala ang politika.

Dahil dito, naglabas ni Galsworthy – na kinalauna’y nagwagi ng Nobel Prize para sa Literatura noong 1932 para sa kaniyang kapuri-puring sining ng pagsasalaysay ng The Forsythe Saga — ng deklarasyong ito: (1) ipagdiwang ang panitikan; (2) isulong ang kalayaang magpahayag; (3) ipagtanggol ang manunulat na nasa panganib; (4) ipaglaban ang manunulat na nasa destiyero; (5) itaguyod ang mga karapatang pangwika.

Ito ang ilan sa mga ebolusyon sa konstitusyon ng PEN.

Itinatag ang PEN sa Filipinas noong 1957 ng Pambansang Alagad ng Sining na si Francisco Sionil Jose. Noong sumunod na taon, unang nagkaroon sa Baguio ng kauna-unahang Pambansang Kumperensiya ang PEN na ang unang tagapangulo ay si Alfredo T. Morales, ingat-yaman si Virginia Moreno, at kalihim nga si Sionil Jose. Binuksan ito ng dating Pangulong Carlos Polistico o C.P. Garcia na kung tutuusin ay isang lehitimong manunulat. Hindi lamang siya isang reporter ng El Espectador kundi isa rin siyang makata. Katunayan, tinagurian siyang “the Bard of Bohol” na nagpatanyag sa mga tulang Mga Hunahunang Layaw, Mga Gihay sa Handumanan, at Dalagang Pilipinhon  na ilan sa mga ginigintong akda sa literaturang Cebuano.

Sa kasalukuyan, ang isa sa pinakabagong Pambansang Alagad ng Sining ay si Dr. Resil Mojares na bagamat ipinanganak sa Zamboanga del Norte ay nanirahan nang matagal sa Cebu. Siya ang isa sa mga panauhing pandangal ng ika-85 PEN International Congress.

Bukas, 3 Oktubre, isa pang Pambansang Alagad ng Sining ang darating.

Si Virgilio Almario, ang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino at Tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), ang magbibigay ng pambungad na pananalita sa paglipat ng mga delegado sa Pambansang Museo.

Pagkatapos, papasyal sila sa mga piling paaralan hanggang sa pagsasara ng mga seremonya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST).

Pero, hindi rito nagtatapos ang lahat, pagkat sa 4 Oktubre pa gaganapin ang Philippine Artists Congress at PEN International (PAC@PEN) sa DLSU muli. 

Ang Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Bienvenido Lumbera naman ang naatasang mamuno ng mga sesyon kasama si Dr. Nicanor Tiongson at Dr. Jazmin Llana.

Isa nga tayo sa 80 alagad ng panitikan, peryodismo, sayaw, musika, teatro, pelikula, sining biswal, at iba pang sining na inaasahang magpapahayag ng saloobin batay sa karanasang personal at propesyunal.

Inaasahan din dito ang mga iskolar, manggagawang pangkultura, at kritiko na magbahagi tungkol sa kanilang larang.

Layunin ng Philippine Artists Congress (PAC) na pag-usapan kung paano ang mga alagad ng sining tutugon sa mga hamon ng panahon sa tulong ng kanilang obra bilang indibiduwal o grupo.

Ngayong may krisis sa katotohanan, paano kaya nila tinutupad ang kanilang tungkulin?

Sa mga pangyayaring tulad ng panganganib ang ating halagahan bilang tao, ano nga bang silbi ng sining o malikhaing gawain?

Alagad man tayo ng sining o hindi, unahin nating tanungin ang nilalang sa harap ng ating salamin.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *