ISTORYA ng mga millennial. Suliranin ng mga kabataan. Ito ang ipinakikita sa pelikulang Ang Henerasyong Sumuko sa Love ng Regal Films na palabas na ngayon.
Kung katulad ko kayong magulang na hirap intindihin ang mga anak na millennial, tamang-tama ang pelikulang ito para mas maintindihan p maunawaan ang kanilang ‘ika ko nga’y kakaibang gawi o ugali.
Maganda ang tema ng kuwento ng limang magbabarkada na may kanya-kanyang suliranin.
Nariyan sina Albie Casino at Myrtle Sarrosa na bagamat nagli-live-in, wala namang label ang relasyon. Basta enjoy lang sila sa company ng isa’t isa. Ang lalaki hopeful romantic, si babae kabaligtaran. Hindi magkasundo dahil magkaiba ng gusto sa buhay. May takot sa commitment, ang isa naman nasobrahan sa pagiging sweet.
Si Jerome Ponce naman ang successful gay businessman sa grupo na hilig ang makipag-sex kung kani-kanino. Pero kwidaw, kahit maraming boys, ‘di pa rin masaya. Tila may kulang pa rin. Siya ‘yung walang takot na ginawa ang lahat tulad ng pag-macho dancing para maka-score sa pinanggigigilang lalaki, si Anjo Damiles.
Trying hard na vlogger naman si Jane Oineza na gagawin ang lahat dumami lang ang subscriber at matalo ang karibal sa dating boyfriend. Kuwela rin ang mga pinaggagawa niya sa kanyang vlog at dumating pa sa puntong ‘yung pinaka-ayaw na ginawa ng karibal na vlogger ay ginawa rin niya. Kumbaga, nilunok na ang lahat maging successful lang.
Si Tony Labrusca naman ang gumanap na may depression sa barkada. Bagamat kompleto ang pamilya, may magandang bahay at trabaho, pero may kulang pa rin. Kung bakit siya nagkaroon ng depression, watch n’yo na lang.
Tagumpay si Direk Jason Paul Laxamana na maipakita ang mga suliraning kinakaharap ng mga millennial kaya tiyak na maraming kabataan ang makare-relate. Marami ring parents ang maiintindihan na ang ugali ng kanilang mga millennial na anak. Hindi lang naman kasi ito basta hugot o suliranin sa puso. Suliranin din itong pampamilya. Kaya nga ang pelikulang ito’y magpapatawa, magpapa-iyak, at magpapalungkot.
Rated B ng CEB at PG ng MTRCB. Palabas na aa mga sinehan kaya watch na.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio