NAGULAT ang lahat ng entertainment press sa pagbulaga ni John Lloyd Cruz sa bandang dulo ng teaser ng pelikulang handog ng iOptions Venture na entry nila sa Metro Manila Film Festival 2019, ang Culion.
Hindi extra ang paglabas ni Lloydie sa pelikula kundi isang napakahalagang papel ang gagampanan niya sa pelikulang tatalakay sa sinasabing naging tapunan ng mga may ketong noon.
Matagal-tagal din namang hindi lumabas sa telebisyon at gumawa ng pelikula ang aktor simula nang sumama kay Ellen Adarna sa Cebu at magkaroon sila ng anak. Kaya naman marami ang nasabik sa pagbabalik ng aktor.
Kaagad natanong si Shandii Bacolod, producer ng Culion ukol sa kung paano naengganyo ang aktor na umarte muli sa harap ng kamera. Matatandaang 2017 pa ang pinakahuli niyang ginawa, ang Finally Found Someone.
Ani Shandi sa teaser trailer and ad campaign launch na ginawa sa Holiday Inn Manila Galeria, Lunes ng gabi, “He plays a very important role and it’s connected with with Meryll Soriano,” pambibitin ni Shandii.
Hindi nahirapan si Shandii na kumbinsiheng muling umarte ang akto dahil nakatrabaho na niya ito noon bukod sa, “and a big help from our assistant director, Candy, who is a good friend of John Lloyd.
Sa tulad kong ngayon lang narinig ang Culion, interesting ang paliwanag ng sumulat ng istorya nito, ang magaling na writer na si Ricky Lee. Aniya, “sabi ko nga kay Direk Alvin (Yapan) andoon na sa teaser ‘yung kuwento ng buong pelikula and yet hindi mo mahuhuluan. Andoon ‘yung kuwento ng hope, kuwento ng dignity, kuwento ng humanity, kuwento ng tapang ng mga lungkot nila, kuwento ng mga hindi nararating kaya hintay na lang sila ng hintay pero naroon pa rin sila para sa isa’t isa, kuwento ng unity nila at pagmamahalan nila.”
Sinabi naman ni Direk Alvin na kailangang ipakita ang kuwento ng Culion dahil, “sa buong kasaysayan kasi ng Pilipinas lagi nating nababanggit ang ukol sa EDSA Revolution. nababanggit natin ang Katipunan revolution bilang achievement ng buong sambayanang Filipino.
“Na para sa akin dapat balikan din natin ang kasaysayan doon sa Culion kasi achievement din ito, pareho noong panahon ng World War 2, sa ibabaw ng karahasan ng digmaan. Sa ibabaw ng karahasan ng pag-ostrasize ng stigma naroon ang pagpupursige ng isang komunidad na mabuhay pa rin ng may pag-asa, ng payapa na may kabutihan.
“Na para sa akin regalo natin sa buong mundo. Kasi ano eh, ‘yung Culion po kasi ay regalo natin sa buong mundo dahil sinasabi nilang iyon ang most successful and biggest leprosareum in the world kaya ganoon siya kalaki at instrumental ito sa pagkaktauklas ng gamot sa ketong.
“Pero hindi lang siguro dahil lang sa gamot. Achievement natin itong mga Filipino kahit gaano ka inaalipusta, na kahit gaano ka mina-mata at dina-down, mayroon ka pa ring kapasidad na magmahal. May kapasidad ka pa ring umasa at maging tao sa gitna ng labang ito.
“I think achievement iyon ng buong Filipino at naroon iyon sa community.”
Sa mga kuwentong ito pa lamang mula sa producer, writer, at direktor, maganda ang nais nilang iparating na kuwento, istorya sa mga Pinoy. Kaya naman umaasa silang mapipili sa MMFF 2019.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio