KUMITA na raw ang festival ng mga pelikulang indie nang mahigit na P88-M at iyon ay sa loob ng tatlong araw. Tuwang-tuwa sila, aba eh kung wala silang festival baka hindi kumita ng kahit na P1-M ang mga iyan, at mabuti nga kung may makuhang sinehan ang mga iyan.
Ngayon, dahil sa ipinaiiral na regulasyon, lahat ng sinehan obligadong sila lang ang palabas. Kung iisipin ninyo na ang lahat ng sinehan sa Pilipinas ay kumita lamang ng P88-M sa loob ng tatlong araw, ang sasabihin ninyo “sisiw iyan.”
Bakit hindi sisiw, iyong pelikula ni Kathryn Bernardo kumita ng P62-M sa unang araw. Sa ikalawang araw, kumita na nang mahigit na P100-M. Isang pelikula lang iyon, at hindi lahat ng sinehan iyon, mahigit na 300 lang.
Aba eh kung ganoon, bakit pa ako gagawa ng festival? Gumawa na lang tayo ng pelikulang kagaya ng ginawa ni Kathryn. Hindi man ganoon kalaki ang kitain, hindi naman kasing sisiw ng kita ng indie. Ang problema ng industriya, alam naman nila kung anong pelikula ang gusto ng tao. Alam nila kung ano ang kikita. Pero sa katigasan ng kanilang ulo, o masasabing kayabangan na rin, ipinagpipilitan nila ang mga pelikula nilang ayaw tangkilikin ng masa.
Iyan ang dapat baguhin, iyong kaisipan ng mga gumagawa ng pelikula. Kasi iyong kaisipan ng masa, ano man ang gawin ninyo, magpabale-balentong man kayo hindi na ninyo mababago iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon