AMINADONG nahirapan si Ella Cruz gampanan ang role niya sa Edward, entry ng Viva Films sa katatapos na Cinemalaya Film Festival. Palamura, streetsmart, bargas, ang ginampanang role ni Ella na malayong-malayo sa karaniwang napapanood sa kanya na pa-sweet o pa-tweetums. Pero dahil sa role niyang ito, nanalo siya bilang Best Supporting Actress.
“Hindi po ako makapaniwala na sa akin ibinigay ang award. ‘Di ko po tala in-expect ito. This is my first award after 10 years of doing acting and eto talaga ang mahal ko, acting. Kaya para maparangalan ako ng ganito, sobrang laking bagay. Finally, nakita ko ‘yung pinaghihirapan ko na nagbunga ng maganda,” sambit ni Ella sa pocket presscon na isinagawa sa Viva boardroom office.
Actually, hindi naman ito ang unang acting award ni Ella. Unang napansin ang galing niya ng Famas para sa pelikulang Resiklo. Nagwagi siya bilang Best Child Actress.
Nagsimula ang career ni Ella noong 10 taong gulang pa lamang siya at muling umingay ang isang Ella noong 2015 nang mag-viral ang kanyang sayaw sa saliw ng Twerk It Like Miley na nakakuha ng 13 million views. Marami na rin siyang pelikulang nagawa at TV show at kasalukuyan siyang napapanood sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Sa Edward, ibang-iba ang role niya. “First time ko magkaroon ng ganoong role na malayo from the wholesome and sweet cute girl na lagi kong ginagawa. Noong una may doubts pa ako na gawin ang movie, perp thankful ako kina Direk Joyce (Bernal, producer), Direk Thop Nazareno, at Boss Vic del Rosario sa pag-trust sa akin na kaya kong gawin ‘yung role ni Agnes. Sana makagawa pa ako ng maraming pelikula at maraming kakaibang roles.”
Bukod sa pagkapanalo ni Ella ng Best Supporting Actress, nagwagi rin ang Edward ng Special Jury Prize sa Cinemalaya at magkakaroon ito ng commercial release sa October 2 nationwide.
Sa kabilang banda, may romcom series din si Ella sa cable, ang Sisters Forever (2getherPoorever) kasama si Julian Trono na mapapanood simula Setyembre 21.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio