HINDI biro ang ginawang pagsalakay at panununog ng mga armadong kalalakihan sa imprenta ng pahayagang Abante sa Parañaque City.
Hindi ito usapin kung ang punto de vista ng nabanggit na pahayagan ay hindi nakaayon sa punto de vista ng kasalukuyang administrasyon.
Ang isyu rito, ang isang pahayagan na daluyan ng balita, komunikasyon, at nagtatala ng kasaysayan sa araw-araw, ay hindi lamang nakatanggap ng banta kundi tinangka talagang sunugin.
At kung hindi lang siguro maagap ang Parañaque Fire Bureau e baka tuluyang natupok ang imprenta ng Abante.
Napakalakas ng loob ng apat na armadong lalaki para buhusan ng gasolina ang makina at mga rolyo ng papel saka sinilaban ang planta. Apat lang nga ba talaga sila?
Nasa Metro Manila ang planta ng Abante. Nasa pusod ng kabiserang rehiyon pero hindi man lang kinabahan ang mga suspek. Pambihira at kakaiba ang kanilang lakas ng loob. Ano kaya ang gumatong sa kanilang adrenaline rush?
Malaking halaga ng salapi, droga o mahigpit na pangangailangan?!
Masasabi nating walang pakundangan sa malayang pamamahayag ang may gawa nito o ang utak sa likod ng tangkang pagsunog sa planta ng Abante.
Hindi lang ito panganib sa mga taga-Abante kundi sa buong industriya ng pamamahayag. Kaya naniniwala tayo na mayroong malaking obligasyon ang law enforcement agencies sa insidenteng ito.
Hindi ito puwedeng iwanan na unsolved case dahil kung hindi ito mareresolba tiyak na patuloy itong mauulit.
Sa kabila nito, naninindigan ang Abante News Group na patuloy silang maglilimbag ng pahayagan sa gitna ng banta sa kanilang seguridad.
Kasabay nito kapwa kinokondena ng Abante News Group at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang ginawang pag-atake sa planta sa partikular at sa pamahayagan sa kabuuan.
Bilang dating presidente ng National Press Club, hindi lang natin kinokondena ang ganitong Gawain kundi naniniwala rin tayo na dapat higpitan ng mga mamamahayag ang seguridad sa ating hanay.
Hindi lamang sa pisikal na pag-aarmas kundi sa pagpapatibay ng propesyon sa pamamagitan ng tunay na integridad, kredebilidad at dignidad.
At ito ay lalo pang lalakas kung magkakaroon ng mahigpit na pagkakaisa sa ating hanay.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap