PATULOY ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa naganap na panununog ng riding-in-tandem suspects sa imprenta ng pahayagang Abante sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Parañaque City BFP, nagsimula ang sunog sa production area ng industrial printing press ng Abante na matatagpuan sa 8272 Fortunata Building 1, Vitalez Compound, Barangay San Isidro dakong 1:57 am.
Agad nagresponde ang mga bombero at sinabing nakontrol ang apoy dakong 2:06 ng madaling araw at tinatayang P50,000 ang natupok na ari-arian.
Sinasabing sinadya ang pagsunog sa loob ng naturang tanggapan.
Samantala naglabas ng pahayag ang pamunuan ng Abante News Group at mariing tinuligsa ang ginawang pag-atake at pagsunog ng apat armadong lalaki na pawang nakamaskara.
“The management and staff of Abante and Tonite condemn this dastardly attack, the first violent act against our group and its facilities since 1987. We will not be cowed by this attempt to strike fear into our reporters, editors and staff. Our commitment to hard-hitting journalism remains unshaken,” pahayag ni Abante managing editor Fernando Jadulco. (JAJA GARCIA)