PINAALALAHANAN ni Aiko Melendez si Rep. Alfred Vargas ukol sa panukala niyang No Homework bill. Layon nitong huwag bigyan ng homeworks ang mga estudyante sa elementary at high school upang magkaroon ng sapat na panahon na makasama ang kanilang pamilya.
Inamin ni Rep. Alfred na nagkamali sila sa inilabas na panukalang pagmumultahin ang teacher ng P50,000 o kaya’y patawan ng dalawang taong pagkakakulong kapag napatunayang guilty.
“Humihingi ako ng paumanhin sa ating mga kababayan lalo na sa ating mga guro na naapektohan ng pagkakamali ng aking opisina. Hindi po sinasadyang naisingit ang penal clause para sa ating mga mag aaral na No Homework On Weekends bill,” saad ng mambabatas ng 5th District ng Quezon City.
Ayon kay Aiko na dating Konsehal sa Quezon City, “Sa akin lang kasi, mambabatas ka, big no-no para sa isang mambabatas na magkamali ka sa batas na gusto mong ipasa dahil ang buhay ng tao ang nakasalalay diyan. Paano kung walang taong nakakita roon sa pagkakamaling ‘yon, naipasa ngayon ‘yun? Ang daming guro na magsa-suffer, ang daming magiging kawawa dahil sa batas na ito.
“So an explanation saying na, ‘It was the mistake of my office,’ dapat i-proof read mo… So, meaning to say, hindi mo binasa ang batas na ipapasa mo? Do you even know what you’re going to pass? Do you even understand?
“Ako lang naman ay nagkukuwestiyon, I have nothing against Alfred ha, hindi ako galit sa kanya. Kaya lang, nagre-remind ako bilang isang taxpayer at bilang taga-Quezon City na isa sa mga mambabatas namin siya. Ire-remind ko lang na last termer ka pa naman, maraming batas na puwedeng ipasa na mas magiging mabuti ang buhay ng marami. Ang pagkakamali sa batas is a big no-no,” mahabang esplika ni Aiko.
Nakapanayam namin ang award-winning actress last Thursday sa pagpirma niya ng 3 years contract sa ALV Talent Management ni Arnold L. Vegafria. Sa naturang event, present at full support kay Ms. Aiko ang kasintahang si Zambales Vice Governor Jay Khonghun.
May nagsasabing baka palusot lang ang pagkakamaling naisingit ang penal clause, ano ang reaction dito ng aktres? ”I guess so. Kaya nga ire-remind ko, I’m just saying, ‘Sa susunod bago ka magpasa ng batas, basahin mo and ‘wag lang ‘yung staff mo ang magbabasa, dapat ikaw mismo dahil ikaw ang mambabatas.’
“Alam mo ‘yan baby dahil ang daddy mo, congressman,” baling ni Ms. Aiko kay VG Jay. Patuloy pa ng aktres, “Ako, konsehal ako rati, hindi ako nagsa-sign ng batas na ipapasa ko o ordinansa na ipapasa ko na ang staff ko lang ang magbabasa. Ay! Big no-no ‘yun!”
Nagkatrabaho na ba sila rati ni Alfred? “Hindi pa, hindi pa po e,” sambit ng aktres.
Inilinaw ni Aiko na walang connection sa politika ang comment niya. “Wala. More of a reminder lang sa kanya bilang taga-Quezon City din ako. Siyempre, mayroon naman akong karapatan din to be heard. District-5 siya and District-5 was part of my district before, hinati lang iyan. Siyempre, ‘yung mga mahal ko, mga constituents ko sa distrito na iyan, nasasaktan din ako, ‘di ba? Na ano ba ‘yan, iyang mga guro na nagpapakamatay tuwing eleksiyon, mumultahan mo ng singkuwenta mil at ikukulong? Gulo sa buong Filipinas ‘yan dahil lang sa assignment?
“Batas iyan… kakaunti na nga lang ang suweldo ng teachers, mumultahan mo pa. Para namang it’s very ungrateful sa isang mambabatas na matapos kang ipaglaban na bilangin ang boto mo… tapos mumultahan mo, ipapakulong mo? Ang mga teacher natin, they are unsung heroes in our country. Iyan ang nakikipagpatayan at nakikipaglaban tuwing eleksiyon…
“Dapat nga ang inuna mo is bigyan mo ng benefit, additional benefits ang mga teacher or kahit kung ‘di kaya ng bansa natin ngayon, ano ba naman ‘yung recognition na lang sa teachers, ‘di ba? To push their morale?
“This kind of batas na ipinasa niya na nagkamali siya umano, ‘di katanggap-tanggap na sabihin mong nagkamali ang opisina mo,” diin ni Ms. Aiko na ngayon ay napapanood sa Prima Donnas sa GMA-7, Mondays-Fridays, 3:25 pm.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio