UMABOT sa halos 2,000 inmates ang napalaya na simula noong 2013 hanggang 2019 ng Bureau of Corrections (BuCor) na may iba’t ibang kaso na kinahaharap sa loob ng New Blibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Kahapon sa pulong balitaan na ginanap sa loob ng NBP, sinabi ni Atty. Frederick Antonio Santos, chief legal office ng BuCor, figures lamang ang kanilang maibibigay sa mga nakalayang preso at aniya hindi nila puwedeng pangalanan.
Hindi sinabi kung may high profile inmates na nakasamang lumaya matapos pagsilbihan ang kanilang sentensiya sa loob ng Bilibid.
Sinabi ni Santos, umabot sa 1,914 ang kanilang napalaya simula taon 2013 hanggang sa kasalukuyang taon na may kasong parricide, na umabot sa 29.
Napalaya ang 797 sa kasong murder, lima sa kidnapping with illegal detention, 274 sa robbery w/ violence or intimidation, tatlo sa destructive arson, 758 sa rape at 48 sa dangerous drug act.
Tumanggi si Santos na banggitin kung kasama sa napalaya ang apat na Chinese drug lords at ang tatlong inmates na responsable sa panghahalay at pagpatay sa magkapatid na Chiong sa lalawigan ng Cebu noong 1997.
Kamakailan una nang pinabulaanan ni Bucor chief Nicanor Faeldon na may pinirmahan siyang release order para sa paglaya nina Rowen Adlawan, Ariel Balansag at Alberto Caño na responsable sa panghahalay at pagpatay kina Marijoy at Jacqueline Chiong.
Matatandaang dinukot at hinalay bago pinaslang ang magkapatid sa Cebu at natagpuan ang bangkay ni Marijoy sa bangin.
Ang napabalitang pagpapalaya sa mga suspek ay ipinangamba ng pamilya ng mga biktima ng mga akusadong pinatawan ng habambuhay na pagkabilanggo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Santos, hindi qualified si dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez na makalaya dahil hindi sapat ang Good Conduct and Time Allowance (GCTA).
Nitong 20 Agosto, napabalitang si Sanchez ay isa sa 11,000 inmates na makalalaya sa loob ng dalawang buwan matapos ma-compute ang GCTA.
Aniya sa ngayon ay tigil muna ang recomputation ng GCTA hanggang 5 Setyembre habang pinag-aaralan ang binuong technical working group.
“Ibig sabihin hold muna ang computation ng GCTA ng 10,200 preso,” ayon kay Santos.
(JAJA GARCIA)