PINURI ni Taguig Mayor Lino Cayetano ang pulisya sa pagsagawa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkahuli sa tiwaling inspektor ng City Assessor’s Office.
Inihayag ito ng alkalde matapos madampot ang suspek na si John Paul Mabilin, 32, huli sa aktong tumatanggap ng lagay sa isang entrapment operation sa isang fast food restaurant sa Barangay Ususan.
Ayon sa alkalde, hindi binibigyang puwang ang mga tiwaling tao sa iba’t ibang departamento sa pamahalaang lungsod ng Taguig.
Sa ulat ng pulisya, kasama sa modus ni Mabilin ang pagpapalobo ng halaga ng buwis na sinisingil sa mga kliyente at magpapanggap umano na tutulong upang mapababa ang halagang babayaran.
“Masaya po tayo na nahuli ang mga ganitong tiwali sa lungsod. Isa itong paraan upang malinis natin ang mga departamento at maibalik natin ang tiwala ng tao,” wika ni Mayor Lino.
Diin ni Cayetano, walang puwang sa Taguig ang katiwalian lalo’t malaking bahagi ng kanyang 10-point agenda ang good governance o maayos na pamamahala sa Taguig.
Nagbabala din siya sa mga nagbabalak gumawa ng kalokohan na haharap sa mabigat na parusa ng batas ang sino mang mahuhuli.
Sa kanyang unang araw ng opisina bilang mayor, inilabas ni Mayor Lino ang isang memorandum sa lahat ng opisyal at empleyado ng lungsod at ipinaalala sa lahat na bawal at may kaukulang parusa ang sino mang gagawa ng katiwalian sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o ang “Anti-Graft and Corrupt Practices Act.”
Inatasan din ng alkalde ang mga kawani na isuplong sa Office of the City Mayor at sa Human Resource Management Office ang sino mang alam nila na gumagawa ng mga ilegal na transaksiyon sa lokal na pamahalaan.
Hinimok ni Mayor Lino ang mga residente na i-report sa city hall ang lahat ng makikita nilang sangkot sa katiwalian.
“Makasisiguro po kayo na ang city government ay hindi pinahihintulutan ang mga ilegal na aktibidad sa lungsod. Makatitiyak din po kayo na mananagot sa batas ang mga taong ‘yan,” wika ng alkalde. (JAJA GARCIA)