MASUSING sinisiyasat ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagkamatay ng isang opisyal ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF) ng kanyang tauhan sa loob ng opisina ng SAF sa Camp Bagong Diwa, Bicutan sa lungsod ng Taguig kamakalawa.
Iniutos ni NCRPO director, P/MGen. Guillermo Eleazar na imbestigahan ang naganap na pagpatay kay P/Maj. Emerson Palomares,30 anyos, aktibong PNP SAF at commanding officer ng 125 SAC, FSB, SAF sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, residente sa Washington St., District 3, Gamu, Isabela, may tama ng bala ng baril sa katawan.
Naitakbo ang biktima sa Parañaque Doctors Hospital ngunit binawian ng buhay nang idating sa pagamutan.
Arestado ang suspek na kinilalang si P/MSgt. Sanwright Lobhoy, 41 anyos, may kinakasama, aktibong miyembro rin ng PNP-SAF (125 SAC-FSB), tubong Tabuk, Kalinga, at nakatira sa Purok 4, Bulanao, Tabuk, Kalinga.
Iniutos ni Eleazar kina P/SSgt. Dalogdog, P/SSgt. Lagensay, Cpl. Jimenez, at Cpl. Cabalonga, na Imbestigahan mabuti ang nangyaring insidente ng pamamaril sa loob ng opisina ng commanding officer ng 125 SAC-FSB, SAF sa loob ng nasabing kampo, dakong 4:40 pm.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at suspek hanggang sa mauwi sa pamamaril.
Agad hinuli nina P/SSgt. Yu at P/SSgt. Lozano, kapwa miyembro ng SAF ang kanilang kabaro na si Lobhoy habang dali-daling isinugod si Palomares sa Sabili Hospital pero inilipat kalaunan sa naunang nabanggit na ospital pero hindi na naisalba ang buhay ng biktima habang nilalapatan ng lunas dakong 5:23 pm.
Patuloy ang pagsisiyasat ang mga imbestigador sa naturang kaso upang mabatid ang sanhi ng pagtatalo ng biktima at suspek na nauwi sa pagpatay.
(JAJA GARCIA)