KUNG bilib si Pangulong Rodrigo Duterte sa military officials kaya niya itinatalaga sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, mayroon din naman palang ex-military and police generals na nakakuha ng Philippine Charity Sweepstakes Office – Small Town Lottery (PCSO STL) franchise na estafador at balasubas.
Malamang kaya sila nakakuha ng franchise dahil naniniwala nga si Pangulong Digong na silang military generals ay mga displinado at hindi mga estafador at manunuba.
Pero sa pagbubunyag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson lumalabas na ‘yung ex-generals na nakakuha ng franchise sa PCSO STL, sila pa ang numero unong estafador at manunuba na hindi nagre-remit ng kanilang mga pataya.
Wattafak!
Pinayagan nga silang magnegosyo sa ilalim ng PCSO STL dahil pinagkakatiwalaan sila ng Pangulo at para makatulong sa gobyerno.
Pero ang nangyari, mga sariling bulsa lang ang nilamanan nila at hindi ang kaban ng gobyerno.
Ang isa pang rebelelasyon ni Senator Ping, noong panahon daw ni dating PCSO general manager Alexander Balutan, maraming pumasok na retired military at police officials.
‘Yan ang dapat sigurong busisiin ngayon ng Kamara. Hindi lang milyones ang pinag-uusapan dito kundi daan-daang milyones.
Ang laking pera niyan na sana ay pumasok sa gobyerno pero sinolo lang ng military & police generals.
Heto pa, ang ilang mga dating opisyal ay mga dating provincial at regional director na alam ang kalakaran sa jueteng kaya’t halos lahat ng kinikita sa STL ay napupunta sa bulsa ng retired AFP at PNP officials.
Mas mainam raw ang mga STL na pag-aari ng gambling lords, nagre-remit kahit paano sa PCSO.
Pero kahit nagre-remit sila, hindi naman ito umaabot sa 20 porsiyento kaya lugi pa rin ang PCSO.
Kung lugi naman pala ang gobyerno, e bakit hindi na lang tuluyang ipasara ‘yang STL na ‘yan?! E kasi nga kahit ipasara ang STL, tuloy-tuloy pa rin ang jueteng.
In short, gobyerno pa rin ang talo kapag ipinasara ang STL?!
Pero sabi ni Pangulong Digong, maraming pagkukuhaan ng pondo ang gobyerno para matulungan ang mga kababayan nating nangangailangan ng medical assistance at iba pang pangangailangan.
Ibig sabihin, hindi umaatras ang Pangulo sa kanyang posisyon na busisiin ang STL at ilantad ang mga sangkot sa katiwalian.
Go, Mr. President!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap