KAKAIBANG Dennis Trillo ang mapapanood sa pelikulang Mina-Anud na base sa real-life events na nangyari noong 2009 sa Eastern Samar, na ilang bag ng cocaine ang napadpad sa dalampasigan ng isang fishing village na nagpabago sa buhay ng mga residente rito.
Tampok dito sina Dennis Trillo, Jerald Napoles, at Matteo Guidicelli.
Gumaganap si Dennis dito bilang isang drug pusher. Siya si Ding, ang leader ng Borongan surfers na isang family man na may isyu sa misis niyang si Gina, na siyang breadwinner sa kanila. Si Jerald naman si Carlo, isa sa pinakamagaling na surfer sa kanilang lugar, ngunit tila laging may kulang sa kanya. Siya ay binatang nangangalaga sa lola niyang may sakit.
Nang napadpad ang droga sa kanilang lugar, natukso silang magbenta ng droga dahil ito na ang pagkakataon para makatikim ng ginhawa sa buhay.
Maituturing itong isa sa most daring role ng actor.
“Gusto kong gumawa ng ganitong film, totoo, matapang, para ito sa mga taong naghahanap ng iba, ‘yung mga hinahanap nila sa online (Netflix), kaya natin ibigay, sana panoorin nila sa big screen. Ito ang mga pelikulang masarap panoorin sa sinehan dahil maganda ang quality, maganda ang story, masayang panoorin kasama ng barkada. Mas maa-appreciate mo at malaking pelikula ito,” sambit ni Dennis.
Mula sa Regal Entertainment Inc. and Epicmedia at sa pamamahala ni Direk Kerwin Go, kasama rin sa cast sina Alvin Anson, Mara Lopez, Anthony Falcon, Marc Felix, Lou Veloso, Richard Manabat, Dionne Monsanto, Elia Ilano, Lui Manansala, Luke Landrigan, at iba pa.
Palabas na ito sa mga sinehan nationwide sa August 21. Ang Mina-Anud ay napili bilang Closing Film sa Cinemalaya 2019 on August 10, at the CCP 9pm.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio