PATULOY ang pakikiisa ng mundo sa pagdiriwang ng Pilipinas sa ika-Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino, lalo na ngayong inanunsiyo ang Pilipinas bilang Spotlight Country ngayong taon sa ika-22 Guanajuato International Film Festival (GIFF). Tumakbo ang festival simula Hulyo 19 hanggang 28, 2019 sa World Heritage sites na Guanajuato at San Miguel de Allende sa Mexico.
Sa pamumuno ng Philippine Embassy sa Mexico na kinakatawan ng Philippine Ambassador to Mexico na si Demetrio R. Tuason, tumulong ang Film Development Council of the Philippines(FDCP) sa pangunguna sa Philippine Spotlight Program at sa pagsali ng Pilipinas bilang Guest Country sa GIFF sa pakikipagtulungan sa National Commission for Culture and the Arts(NCCA), Department of Tourism (DOT), Tourism Promotions Board (TPB), ABS-CBN Films(Star Cinema), at Cinematografo.
“Espesyal ang pagkapili ng Pilipinas bilang Spotlight Country sa Guanajuato International Film Festival, lalo na ngayong ipinagdiriwang natin ang ika-Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino. Ang Pilipinas ang kauna-unahang Southeast Asian Spotlight Country sa GIFF, at, sa unang pagkakataon, napili ang bansa natin bilang Country of Focus sa isang Latin-American film festival—na pinakamalaki at most celebrated film festival sa Mexico,” sabi ni FDCP Chairperson and CEOMary Liza Diño.
“Isa itong malaking karangalan at perfect opportunity para dalhin ang pinakamagagaling ng Philippine cinema at ating kultura sa Mexico, na kabahagi natin sa isang mahabang kasaysayan. Ang FDCP ay nalulugod na pangunahan ang partisipasyon ng bansa sa isang malaking film festival” dagdag pa niya.
Ang GIFF ay dadaluhan ng seasoned film industry personalities at professionals ng bansa, na sa huling daang taon ng Philippine Cinema, ay nakapag-ambag ng malaki at gumawa ng sariling pangalan bilang movers at shakers ng industriya mula sa iba’t ibang sectors.