MAGAGANDA ang mga entry sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino Film Festival na magaganap sa Sept. 13-20, 2019 sa buong Metro Manila. Inianunsiyo ni Film Development Council of the Philippines Chairperson Liza Diño ang line-up nito.
Kabilang dito ang Cuddle Weather nina Sue Ramirez at RK Bagatsing (Project 8 cor San Joaquin Projects), LSS nina Gabbi Garcia at Khalil Ramos (Globe Studios), I’m Ellenya L nina Iñigo Pascual at Maris Racal (Spring Films/N2 Productions), G! tampok sina McCoy de Leon, Mark Oblea, Paulo Angeles at Jameson Blake (Cineko Productions), Watch Me Kill starring Jean Garcia at Jay Manalo (Greenlight/CineBandits Entertainment), Open nina Arci Muñoz at JC Santos (BlackSheep/TRex Productions), Lola Igna nina Yves Flores, Angie Ferro at Merryl Soriano, Circa nina Anita Linda, Enchong Dee, Gina Alajar, Laurice Guillen at Elizabeth Oropesa, Pagbalik starring Gloria Sevilla, Suzette Ranillo at Vince Ranillo, at ang The Panti Sisters na pagbibidahan nina Christian Bables, Martin del Rosario at Paolo Ballesteros (IdeaFirst Company).
Naaliw kami nang husto sa trailer/teaser pa lang ng karamihan dito, lalo na sa The Panti Sisters dahil riot talaga rito sina Paolo, Christian, at Martin. Ayon kina Christian at Martin, walang naganap na patalbugan sa kanilang tatlo, bagkus ay nagtulungan sila para mapaganda nang husto ang kanilang pelikula.
Sa pelikulang ito ni Direk Jun Robles Lana, sina Christian, Martin, at Paolo ay tatlong magkakapatid na gay na ipinatawag ng kanilang amang malapit nang mamatay dahil sa cancer. Dito’y hiniling ng kanilang ama na gusto niyang bigyan nila siya ng apo, kapalit ng milyones na mamanahin.
Ang tatlong Panti Sisters ay dapat na isantabi ang kanilang anumang hindi pagkakasundo at malaman ang tunay na kahulugan ng pamilya sa komedyang ito ukol sa acceptance, respect and loving your own skin no matter what color of panties you wear.
Tampok din dito sina John Arcilla, Rosanna Roces, Carmi Martin at Roxanne Barcelo.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio