HINDI maipaliwanag ni Marian Rivera ang kaligayahan ngayong dalawa na ang anak nila ni Dingdong Dantes.
“Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam, parang walang eksaktong salita ‘yung nararamdaman ko. Alam niyo ‘yung puso ko, pagkatao, parang kompleto. Ang saya eh, parang pangarap talaga na ibinigay.”
Ano ang kaibahan ni Ziggy sa Ate Zia niya?
“Well, mas malakas mag-dede, mas tahimik ito. Pero parang ganoon pa rin naman, kung ano ang ginawa kong pag-aalaga kay Zia, same naman kay Ziggy.”
Tuwing pinagmamasdan ni Marian ang mga anak nila ay, ”Minsan sinasabi ko nga kay Dong kapag nasa kama kami, minsan natutulog ‘yung dalawang anak namin, sine-send ko ‘yung picture sa kanya, siyempre nagtatrabaho siya. Sabi ko, parang pangarap pa rin. Parang hindi pa rin nagsi-sink in na nakahiga ako, at may kasama akong dalawang anghel sa tabi ko na parang, ‘wow, nakakikilig.’”
Binabaha ang kanilang social media ng mga papuri na maganda ang kanilang pamilya.
“Alam niyo, sinasabi nga namin ni Dong, ‘yung look kasi o hitsura ng isang baby or whatever, ano iyan, eh, kumbaga, bonus na iyan.
“Ang maganda is turuan namin sila na maging mabuting bata. ‘Yun ang talagang goal naming mag-asawa.”
At dahil lalaki ang bago nilang anak, palaging excited si Dingdong umuwi.
“At saka, palaging sinasabi niya sa akin na mag-send ako ng picture. Every now and then nagpe-Facetime siya. Minsan, kapag busy ako, may ginagawa ako kay Zia or may gagawin kami or busy ako kay Ziggy, minsan tatawag iyan, ‘O bakit wala akong picture?’”
Nasa Canada si Dingdong para sa GMA Pinoy TV habang kausap namin si Marian sa renewal ng kontrata niya sa isang produkto.
May kaibahan ba si Dingdong sa pagiging ama kay Ziggy?
“Same lang kay Zia. Pero makikita mong parang gusto niyang umuwi agad.”
Rated R
ni Rommel Gonzales