NAGTABLA bilang Best Actress sina Sylvia Sanchez at Aiko Melendez sa 2nd Subic Bay International Film Festival na ginanap last Sunday, June 23 sa Harbor Point Ayala Mall sa Subic Bay Freeport Zone.
Si Ms. Sylvia ay nanalo para sa pelikulang Jesusa ni Direk Ronald Carballo. Dito’y gumanap ang Kapamilya aktres bilang isang misis na iniwan ng kanyang asawa nang sumama sa kanyang kerida. First time siyang gumanap sa papel na adik na nasa bucket list daw ni Ms. Sylvia.
Si Aiko naman ay para sa pelikulang Tell Me Your Dreams na mula sa direksiyon ni Anthony Hernandez. Ang papel dito ni Ms. Aiko ay isang ulirang guro sa liblib na tribu ng mga aeta.
Bago ang awards night ay pinalad kaming maka-usap mismo sina Ms. Sylvia at Aiko, at kapwa sila nagpahayag sa amin ng paghanga sa husay ng bawat isa.
Parehong hindi nakadalo ang dalawa sa award’s night ng filmfest na pinamumunuan nina SBIFF filmfest directors Arlyn Dela Cruz-Bernal at Vic Vizcocho Jr., dahil kapwa may prior commitments ang dalawang premyadong aktres.
Ang kaibigang si Ynez Veneracion ang kumuha ng award ni Ms. Sylvia. Si Ynez ay nanalo rin bilang Best Supporting Actress sa parehong pelikula. Si Direk Anthony naman ang kumuha ng tropeo ni Aiko.
Sa naturang event ay pinarangalan ang award-winning actress na si Nora Aunor bilang Philippine Cinema Icon Award. Nagkaloob din ng special citations para kina Perla Bautista (Philippine Cinema Milestone Award), Rose Galang at Shane Carrerra (Future of Cinema Award), Rendezvous (Discovery Award).
Ang ilan pa sa nanalo ay: Best Movie: Kids at War; Best Director: Hubert Tibi-1957; Best Actor: Ronwaldo Martin-1957; at Best Supporting Actor: Richard Quan- 1957.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio