SA LABAN sa Speakership kanya-kanyang bilib ang mga aspirant sa kanilang sarili, wala namang masama pero ang hindi katanggap-tanggap ay tatakbo at maghahangad ng speakership na walang katiting na kalipikasyon maliban sa pagiging kaalyado ng First Family.
May punto si dating Press Secretary Rigoberto Tiglao nang kanyang punahin ang 41-anyos na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na tatakbo sa House Speakership, bukod kasi sa hindi kilala si Velasco ay 2-term congressman lamang siya na noong 2013 ay natalo pa sa kalaban na si Regina Reyes na may lamang na 4,000 boto ngunit nadiskalipika dahil sa isyu ng citizensihip kaya nagawang maupo ni Velasco.
Ani Tiglao, “Why on earth this 41-year old congressman who had troubled route to his congressional seat, have the gall to think he can be speaker, in the league of such political titans as the late Ramon Mitra, Jose de Venecia, Manuel Villar and Gloria Macapagal Arroyo.”
Sa ating mga kongresista, bumaba na ba ang tingin natin sa pagiging Speaker? Kahit sino na lang ba ay puwedeng maging Speaker? Maari bang maging lider ng 300 mambabatas ang isang Velasco na wala pang napatunayan sa larangan ng politika, leadership at mastery ng rules sa Kamara? Ang hamon kay Cong. Velasco, mag-isip-isip din muna. Hindi sapat na kaalyado siya ni Pangulong Duterte at kaibigan siya ni Presidential Daughter Sarah Duterte. Hindi ito ang kalipikasyon ng isang House Speaker.
Isa pa sa malaking tanong, Mr. Congressman Velasco, ni minsan ba ay nakisawsaw ka sa mga usapin o isyu ng ating bayan? Nakialam ka ba sa mahahalagang isyu ng ating bansa. Tila ang masasagot sa atin dito ay wala. Kasi naman ang alam lang natin kay Cong. Velasco ay kasama lagi sa campaign trail ng Hugpong ng Pagbabago noong senatorial election.
Nang magkaroon ng rigodon sa liderato ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na naalis sa puwesto at si Ginang Arroyo ang naupo ay naging matunog din ang pangalan ni Velasco na papalit noon kay dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas.
Ang pasaring ni Alvarez noon kay Velasco ay “tingin-tingin din kasi sa salamin, mirror, mirror on the wall na lang siguro tayo, medyo kailangan din kasi ihambing natin ‘yung sarili natin doon sa taong papalitan tapos tingnan natin kung tayo ba, kaya ba natin ‘yung trabaho, ‘di ba?”
Agree tayo diyan kay Alvarez… tingin tingin din sa salamin, ‘wag masyadong bilib sa sarili.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap