HABANG pilit na winawasak ng ibang kongresista ang testimonya ni Deputy Customs collector, Atty. Lourdes Mangaoang, sinuportahan siya ng hepe ng House Committee on Dangerous Drugs sa kanyang suhestiyon na buksan ang lahat na kahinahinalang kargamento kahit dumaan ito sa x-ray.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tama na buksan at tingnang mabuti ang mga shipment kung hindi sigurado ang mga taga-Customs kung ano ang laman nito.
Taliwas sa sinasabi ni Mangaoang at ng mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dalawang experto ng Bureau of Customs na humarap sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs ang nagsabi na walang laman ang apat na magnetic lifters na dumaan sa x-ray ng BOC.
Ayon sa PDEA, ang apat na magnetic lifters, na natagpuan sa Cavite, ay pinagsidlan ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 bilyon.
Si Mangaoang, dating hepe x-ray unit sa Customs ay nagpresenta ng mga imahen na, ayon sa kanya, ay nagpapatunay na may laman ang mga magnetic lifters.
“Atty. Mangaoang has a very good point that there should be standard operating procedure to subject suspicious contrabands to physical examination,” ani Barbers.
“May problema talaga sa loopholes sa X-ray process at analysis kasi dalawang tao lang ang involved na puwedeng magkontsabahan, iyong x-ray analysis at iyung shift manager,” dagdag ni Barbers.
Si Customs Commissioner Isidro Lapeña, na matagal nang nanindigan na walang laman na shabu ang magnetic lifters ay kumambiyo sa harap ng mga kongresista.
Posible aniya na may laman yung magnetic lifters. (GERRY BALDO)