NAKAAALARMA ang resulta ng huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Setyembre. Umabot na raw sa 3.1 milyong pamilya sa Filipinas ang nakararanas ng gutom dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kung may limang katao sa bawat pamilya, lumalabas na 15.5 milyong Filipino ang nagugutom sa kasalukuyan.
Ang masakit pa nito, mukhang simula pa lamang ito ng kalbaryo ng mga Pinoy. Napansin kasi ng SWS ang lumalalang kalagayan ng mga Pinoy kung pagbabatayan ang resulta ng mga nakaraang survey. Senyales na umano ito ng pagtatapos ng “period of inclusive growth” na naranasan ng bansa sa nakalipas na apat na taon.
Ayon sa survey ng SWS, 13.3 porsiyento ng pamilyang Pinoy o tinatayang 3.1 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom sa loob ng nakaraang tatlong buwan. Gutom dahil walang pambili ng pagkain. Tumaas ang nasabing bilang kompara sa 9.4 porsiyento (2.2 milyong pamilya) noong Hunyo 2018.
Sa kabuuang bilang ng nagugutom, 2.5 milyong pamilya ang minsan lang pumalya sa pagkain samantala 643,000 pamilya naman ang dumanas nang sobrang pagkagutom. Lumala ang pagdarahop sa pagkain sa Metro Manila (549,000 pamilya), iba pang bahagi ng Luzon (1.3 milyong pamilya) at Mindanao (975,000 pamilya). Bumaba naman ang bilang nito sa Visayas (269,000 pamilya).
Dahil sa pagkagutom sanhi ng mataas na bilihin, lumabas naman sa survey ng Pulse Asia sa unang linggo ng Setyembre na mayorya o 63 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwala na ang inflation ang pangunahing isyu na kailangang pagtuunan ng pansin ni Pangulong Duterte.
Ayon sa Pulse Asia survey, hindi lamang sa Metro Manila nararamdaman ang dagok ng pagtaas ng presyo ng bilihin kundi sa lahat ng bahagi ng bansa. Hindi lamang mahihirap (Class D at E) ang dumaraing. Maging yaong tinatawag na middle class (Class B at C) at kahit mayayaman (Class A) ay umaaray din sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Bukod sa inflation, lumabas pa rin sa Pulse Asia survey na karamihan ng mga solusyon na hinahanap ng mga Pinoy sa kanilang problema ay may kaugnayan sa pagkalam ng sikmura. Kabilang dito ang pagtaas ng sahod (50%), pagbawas ng kahirapan (32%), at paglikha ng mas maraming trabaho (30%).
Alam naman nating lahat kung bakit may inflation o pagtaas ng presyo ng bilihin. Malaking salik ang pagpapatupad ng dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Bago naisabatas ang TRAIN (Republic Act 10963), walang excise tax na ipinapataw sa diesel, LPG at kerosene. Dahil sa batas na ito, magkakaroon na ng buwis ang mga nasabing produkto at madaragdagan ito taon-taon. Mula P2.50 ngayong taon, lolobo sa P6.00 ang buwis na ipapataw sa diesel sa taong 2020.
Ang buwis sa LPG ay tataas nang piso taon-taon mula 2018 hanggang 2020. Maging ang gasolina na may P4.35 excise tax bago ang TRAIN, tataas din ang buwis mula P7.00 ngayong taon tungo sa P10.00 sa taong 2020.
Alam naman natin na ang bulto ng mga petrolyong ibinebenta sa Filipinas ay ginagamit para sa transportasyon (pampasahero at pangkargamento), operasyon ng mga pagawaan at pagpapadaloy ng koryente. Lahat ito ay may direktang epekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin gayondin sa presyo ng serbisyo.
Nito na lamang napagtanto ng mga mambabatas natin ang masamang epekto ng TRAIN Law: mataas na presyo ng pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw. Ang mabuting intensiyon na maglaan ng pondo para sa mga proyekto, nauwi sa delubyo. Tanong tuloy ng marami: aanhin namin ang mga proyekto kung wala namang makain?
Nagkukumahog na ngayon ang gobyerno kung paano solusyonan ang problema ng kagutuman. Dapat lang naman. Mahirap pahupain ang ngitngit ng taong gutom.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III