NAGKAKAISA ang mga ahensiya ng gobyerno na nangunguna sa kampanya kontra droga sa panukala na isailalim sa drug test ang lahat ng kandidato na tumatakbo sa May 2019 elections. Mahirap na nga namang mailuklok pa sa puwesto ang mga kandidatong sugapa sa bawal na gamot. Kung mamalasin, baka tulak pa sa droga ang maibotong senador o kongresista.
Para sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kailangang sorpresa ang isasagawang drug test. Kailangan daw ito para hindi makaatras ang mga kandidato sa biglaang drug test. Dahil biglaan, hindi rin umano maipaplano ng kandidato kung kailan siya kukunan ng “urine samples” para suriin sa droga.
Kung ang Dangerous Drugs Board (DDB) naman ang tatanungin, hindi lamang mga kandidato ang dapat ipasailalim sa drug test kundi lahat ng empleyado ng gobyerno. Batay kasi sa Memorandum No. 13, series of 2017, ng Civil Service Commission, obligasyon ng mga taong-gobyerno na sumailalim sa eksaminasyong ito. Ang siste nga lang, limitado ito sa mga “constitutional bodies, departments and bureaus of national government; local government units; government-owned and controlled corporations; and state universities and colleges.”
Kung agresibo ang mga tagapagpatupad ng batas sa panukalang drug test para sa mga kandidato, parang matamlay naman ang pagtanggap ng Malakanyang dito. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, iyong mga kandidato sa lokal na posisyon lamang ang obligadong sumailalim sa drug test. Hindi dapat kasama ang mga kandidato sa Senado o sa Kamara de Representantes.
Ipinaliwanag niya na ipinagbawal ng Korte Suprema sa isang desisyon sa kaso ang “mandatory drug test” para sa mga tumatakbong senador. Dagdag na kuwalipikasyon daw kasi ito at labag sa itinatadhana ng Konstitusyon.
Para maging senador, kailangan lamang kasi na “natural-born citizen” ang kandidato, hindi bababa sa 35 taong gulang, marunong magbasa at magsulat, rehistradong botante, at residente ng Filipinas sa nakaraang dalawang taon bago mag-eleksiyon. Ganoon din ang kuwalipikasyon para sa mga kongresista.
Ang ipinagkaiba lamang, dapat rehistradong botante at residente nang isang taon sa distrito ang kandidato.
Malinaw sa paliwanag ni Secretary Panelo na may kakulangan ang batas kung mandatory drug testing sa mga kandidato ang pag-uusapan. Puwedeng puwersahin sa eksaminasyon ang mga kandidato sa lokal na posisyon.
Hindi puwede kung kandidato sa Kongreso. Kung hindi talaga uubra ang mandatory drug testing sa mga kandidato, maaari namang gamitin ng Pangulong Duterte ang kanyang impluwensiya para maeksamin sila sa droga. Puwedeng ‘pakiusapan’ ng Pangulo ang lahat ng kandidato na sumusuporta sa kanyang administrasyon na boluntaryong sumailalim sa drug test.
Unahin ang senatorial slate na suportado ng PDP-Laban at Hugpong Mindanao. Nakatitiyak tayo, may libreng media coverage ang mga kandidato ng administrasyon sa Senado kung sabay-sabay silang pupunta sa PDEA para magpa-drug test.
Bukod dito, maipapakita nila nang lubos sa publiko na todo ang suporta nila sa kampanya ng Pangulo kontra droga. Makabubuti kung pati mga kandidato ng administrasyon para sa iba’t ibang distrito ng Kamara de Representantes ay sumunod din at boluntaryong magpasuri sa droga.
Kundi hindi naman nila susundin ang pakiusap ng Pangulo, hindi malayo na pagdudahan ng mga botante ang dahilan sa pagtanggi nila sa drug test. Malamang na isipin ng mga tao na takot silang mabisto ang kanilang bisyo kaya takot magpasuri ng ihi. Kung mabibisto kasi ang bisyo nila, siguradong sa kangkungan sila pupulutin sa araw ng eleksyon.
May isa pang dahilan kung bakit kailangan nang magpa-drug test ang mga kandidato ng administrasyon sa lalong madaling panahon. Kung patumpik-tumpik sila sa pagdedesisyon, malamang na maunahan pa sila ng mga kandidato ng oposisyon sa planong ito. Kapag nagkataon, lalabas pang mas interesado ang oposisyon kaysa administrasyon sa pagsugpo ng problema sa droga.
Nasa kampo ng Pangulo ang bola. Nasa kanya ang desisyon kung gagawing isyu pa rin ang ilegal na droga sa darating na halalan. Nakabantay ang taong bayan sa desisyong ito.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III