LAGUNA – Isa patay habang apat umanong miyembro ng RBKU ng Cesar Batrallo Command-NPA, ang arestado makaraan makipagsagupa sa mga kagawad ng 2nd Laguna Mobile Force Company (LMFC) Regional Mobile Force Batalion (RMFB) 4A, Regional Intelligence Unit (RIU) 4A, at Crisis Negotiation Team (CNT) sa ipinatupad na Comelec Checkpoint sa bahagi ng Brgy. Dambo, Pangil, lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Sa isinumiteng ulat ni Acting Laguna PNP Provincial Director, S/Supt. Kirby John Kraft kay PRO4A Calabarzon PNP Director, C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang napatay na rebelde na si Ismael Criste, alias Maeng, naninirahan sa Brgy. Casareal, bayan ng Pakil sa Laguna.
Samantala, arestado ang apat kasamahan ni Criste na kinilalang sina Luis Etolarde Alano, Jr., residente sa Tanauan City, Batangas; Shirley de Guzman Martinez, 47, nakatira sa San Antonio, Quezon; Felicidad de Mesa Villegas, 60, ng Balian, Pangil, at Cristy Ramos Lacuarta, 30, ng Dao, Nasunugan, Capiz, City.
Pawang nahaharap ang mga nadakip sa kasong paglabag RA 10591 (Illegal Posession of Firearms and Ammunition) at RA 9516 (Illegal Posession of Explosive) in Relation to Comelec Gun Ban. (BOY PALATINO)