HINDI mahagilap ang kopya ng statement of assets, liabilities and networth (SALN) ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa University of the Philippines mula 2001 hanggang 2009.
Sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings, sinabi ni UP Human Resource Development Office (HRDO) Director Dr. Angela Escoto, tanging 2002 SALN lamang ang naka-file sa kanilang record.
Dahil dito, ipina-subpoena ng House Committee on Justice ang Ombudsman upang magsumite ng kopya ng SALN ni Sereno na hindi matagpuan sa UP noong siya ay nagtuturo pa sa unibersidad.
Maging ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay hindi rin nakapagsumite ng dokumentong hinihingi ng komite dahil wala itong pahintulot mula kay BIR Commissioner Cesar Dulay na nasa seminar sa Boracay.
Kaugnay nito, sinermonan ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang grupo ng mga abogado na nakaupo sa likod ng journalist na si Jomar Canlas, na tila pinagtatawanan ang testimonya ng huli.
Ikinairita ni Fariñas ang ipinakitang ito ng mga abogado, maging ang pagpalakpak sa panahon ng impeachment proceedings.
Bunsod nito, pinatayo ng kongresista si Atty. Raygan de Guzman, consultant ni Dinagat Island Arlene Bag-ao, dahil sa pagtawa sa tuwing magbibigay ng testimonya si Canlas.
Nagbanta si Fariñas na palalabasin at hindi na makapapasok ang grupo ni De Guzman sa mga susunod na pagdinig kung patuloy nilang gagawin ang mga pagtawa sa tuwing may magbibigay ng testimonya.
ni JETHRO SINOCRUZ