MANANAGOT sa pagmomonopolyo sa isang uri ng negosyo ang mga mangangalakal tulad ni Manuel V. Pangilinan, at papatawan ng multang P100 milyon hanggang P250 milyon, at makukulong ng pitong taon sa paglabag sa Philippine Competition Act.
Sa press briefing kahapon sa Palasyo, sinabi ni Philippine Competition Commission (PCC) chairperson Arsenio Balisacan, simula sa 8 Agosto ay maaari nang panagutin ng pamahalaan ang mga negosyanteng sangkot sa “anti-competitive agreements such as cartels and bid rigging; abuse of dominance; and anti competitive merger and acquisition.”
“Aside from the fines, the penalty of imprisonment of up to seven years may be imposed by the courts upon directors and officials of any corporation involved in an anti-competitive agreement,” ani Balisacan.
Sa kasalukuyan, may binubunong kaso ang Globe at PLDT sa Korte Suprema na isinampa ng PCC dahil sa umano’y irregular na pagbili ng assets ng SMC na nagresulta sa pagmonopolyo nila sa nasabing telecommunications company.
Tiniyak din ni Balisacan, na wawasakin ng PCC ang kartel sa agrikultura.
Matatandaan, naging sanhi nang paglobo ng presyo ng bigas, bawang, luya, at sibuyas noong administrasyong Aquino, ang mga negosyanteng bumubuo ng agricultural cartel, at inimbestigahan pa ng Senado, gaya ni David Tan.
Sa kasalukuyan, ani Balisacan, nakatanggap ng 26 reklamo ang PCC laban sa iba’t ibang industriya na posibleng may paglabag sa Philippine Competition Act.
(ROSE NOVENARIO)