Tuesday , December 24 2024

Balangiga Bells ibalik ninyo — Digong sa US (Sa ikalawang SONA)

“IBALIK ninyo ang Balangiga bells, amin iyon.”

Ito ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Amerika sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) kahapon, sa ninakaw na Balangiga bells ng mga sundalong Amerikano noong 1901 sa panahon ng Fil-Am war.

“The church bells of Balangiga were seized by the Americans as spoils of war. Give us back those Balangiga bells. They are ours. They belong to the Philippines. They are part of our national heritage. Isauli naman ninyo. Masakit ‘yun sa amin,” aniya.

Ginunita ni Duterte ang inutang na dugo ng US sa mga mamamayan ng Samar na pinaslang ng mga tropang Amerikano ang kalalakihan mula edad 10 pataas sa utos ni US General Jacob Smith matapos mapaslang ng mga Filipino ang 46 sundalong Amerikano.

ANG dalawa sa Balangiga bells na nasa Fort D.A. Russel, ngayon ay F.E. Warren Air Force Base at ang pangatlong Balangiga bell na nasa Madison Barracks sa Sackets Harbor, New York, ang dating estasyon ng 9th US Infantry Regiment sa paglilipat ng 20th century, pero ngayon iyo ay nasa Camp Red Cloud, ang kasalukuyang estasyon nila sa South Korea.

Dalawa sa tatlong tinangay na Balangiga bells ay naka-display sa F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming.

Habang ang ikatlo ay nasa US Army regiment sa South Korea.

Habang inilalahad ng Pangulo ang madugong insidente ay tinanggal ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim ang headset sa kanyang ulo.

Isinasalin sa wikang English ang talumpati ng Pangulo sa headset na ipanagamit sa mga dayuhang bisita sa SONA.

Una nang binuhay ng Pangulo ang atraso ng US sa mga Moro sa Bud Dajo sa Sulu noong Fil-Am war sa kanyang talumpati sa ASEAN-EAST Asia Summit sa Laos noong nakalipas na taon, sa harap mismo ni US President Barack Obama.

(ROSE NOVENARIO)

DIREKTIBA
INIHAYAG SA SONA

ILEGAL na droga, pagmimina, rebelyon sa Marawi at deklarasyon ng martial law sa Mindanao, pederalismo, death penalty, usapin ng West Philippine Sea, bagyong Yolanda, nakaambang “The Big One, human rights victims.

Ito ang ilan sa mga tinalakay at nilalaman ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ni Duterte na tuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mawakasan na ang krimen sa ating lipunan.

Binigyang-linaw ni Duterte na pinahahalagahan niya ang bawat buhay sa mundong ito na likha ng Poong Maykapal.

Hindi papayagan ni Duterte na masira ang bawat pamilyang Filipino at kinabukasan ng bawat kabataan nang dahil sa ilegal na droga at kailangan ng kapayapaan sa bawat sulok ng bansa.

Tulad ng iba, nais ni Duterte na matuldukan ang kaguluhan at makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa lalo sa Mindanao na mayroong kaguluhan sa kasalukuyan.

Pinanindigan ni Duterte ang kanyang deklarasyon ng martial law sa Mindanao na nakita niyang pinakamabilis na tugon para agad mahuli at masugpo ang mga rebledeng grupo.

Paliwanag ni Duterte, pinapayagan ng Saligang Batas ang kanyang naging hakbangin at desisyon.

Sinigurado ni Duterte ang kanyang suporta at tiwala sa lahat ng mga sundalo at pulis lalo na kung kanilang ipinatutupad ang batas at ipinagtatanggol ang bayan laban sa mga rebelde at iba pang mga kaaway ng pamahalaan.

Kabilang sa mga panukalang batas na kanyang hiningi ang agarang suporta ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa agarang pagsasabatas ng national land use act, death penalty at pederalismo. Ipinarerepaso niya ang procurement law, no balance billing policy, at tax reform law.

Sinabi ni Duterte, hindi niya lalagdaan ang karagdagang bonuses at allowances ng GOCCs.



Umapela si Duterte sa Korte Suprema na huwag magpalabas ng temporary restraining orders (TROs) para mapigilan ang pamahalaan na maipatupad ang mga programa at proyekto para sa mga mamamayan.

Hindi itinago ni Duterte ang kanyang pagiging malapit at kaibigan dati ang NDF ngunit aniya ay wala siyang panahong makipag-usap sa grupo.

Sinabi ni Duterte, sa tamang panahon at takdang oras ay kanyang tatalakayin ang West Philippine issue at hindi niya ito isinasantabi.

Pahapyaw na binanggit ni Duterte ang overseas Filipino workers (OFWs) na dapat ay bigyan nang sapat na proteksiyon at ilayo sa korupsiyon.

Binalaaan ni Duterte ang lowest bidders na pangunahing sanhi ng korupsiyon sa ating bansa.

Binalaan ni Duterte si Department of Health (DoH) Secretary Pauline Ubial na kailangan niyang ayusin ang sistema nang pagbili ng mga kagamitan sa ospital at procurement system kung hindi siya ay papalitan.

Nais ni Duterte na malawakan nang ipatupad ang K-12 program ng pamahalaan sa buong bansa.

Pinasalamatan ni Duterte ang China sa pagbibigay ng libreng proyekto na dalawang tulay para mabawasan ang suliranin sa trapiko sa EDSA kaugnay sa mga infrastructure project ng pamahalaan.

Iniutos ni Duterte ang pagpapatupad sa buong bansa ng anti-smoking law at paglilinis ng mga sasakyang nakakalat sa kalye o nakaaabala sa daloy ng mga sasakyan.

Sa kasalukuyan ay nagpapatayo ang pamahalaan ng isang bagong paliparan para masolusyonan ang problema sa trapiko sa himpapawid.

Isinumite ng Pangulo sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang 2018 national budget na umaabot sa P3.767 trilyon.

Ipinagmalaki ng Pangulo ang ipinatupad na national broadband sa ating bansa na huwag sanang sayangin ng bawat mamamayan.

(NIÑO ACLAN)

IPINARADA ng mga demostrador ang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte na naka-NAZI salute, bilang pagkokompara sa kanya kay Adolf Hitler, sa Batasan Road, Quezon City, habang ginaganap ang State of the Nation Address (SONA)kahapon. (ALEX MENDOZA)

RESPONSIBLE
MINING IGINIIT
NG PANGULO

BINANTAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mining company sa kabila na mayroong kompletong papeles sa operasyon, at kinakailangan maging responsable sila.

Banta ni Duterte, sakaling mabigo, mapipilitan siyang singilin nang mahal na buwis.

Ipinunto ni Duterte, sa kabila ng malalaking kinikita ng mga kompanya ng pagmimina ay bigo na matiyak na mapapangalagaan ang kalikasan at kapaligiran na pinagkukuhaan nila ng iba’t ibang uri ng mineral.

Tinukoy ni Duterte, dahil sa pagmimina ay naapektohan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Hinamon niya ang mga minahan na magdeklara ng tamang kita at magbayad ng tamang buwis ayon sa totoong kanilang kinikita.

Proteksiyon ng ating kalikasan at mga yamang mineral ang dapat maprotektahan at mapakinabangan ng bawat mamamayang Filipino at hindi winawasak ng mga dayuhan.

(NIÑO ACLAN)

INILATAG ng mga miyembro ng militanteng grupo sa kalsada sa Commonwealth Avenue, Quezon City, ang mga sapin sa paa na sumisimbolo sa mga biktima ng extrajudicial killings bunsod ng kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga, ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon. (ALEX MENDOZA)

Gamot malapit nang mag-expire
TRO SA RH LAW
HINILING SA SC

HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Korte Suprema na ipawalang bisa ang temporary restraining order (TRO) sa Reproductive Health Law upang mailarga nang husto ang responsible parenthood.

Sa kanyang ikalawang SONA, sinabi ng Pangulo sa harap ng Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na inatasan niya si Health Secretary Paulyn Ubial na maghanap ng bansa kung saan puwedeng i-donate ang mahigit P200-M halaga ng birth control pills na binili ng DOH para sa implementasyon ng RH Law.

Sinabi ng Pangulo, sa susunod na buwan ay expired na ang birth control pills na binili ng DOH noong 2015 at sa halip na itapon ito at walang makinabang, ido-donate na lang sa ibang bansa.



Hinimok din ng Pangulo na ipasa ang comprehensive tax reform bill upang mabawasan ang pasanin ng mga manggagawa.

Sakaling lumusot ang comprehensive tax plan sa Kongreso ay hindi na makakaltasan ng income tax ang mga kawani na may buwanang suweldong P20,833.

Nais din ng Pangulo na ipasa ng Kongreso ang National Land Use Act na magtitiyak ng rehabilitasyon ng mga lupaing pinagminahan.

(ROSE NOVENARIO)

Sa ambush ng NPA sa PSG
AYAW KO NA
KAYONG KAUSAP
— DUTERTE

SINUMBATAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang maka-kaliwang grupo sa pag-ambush ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga kagawad ng Presidential Security Group (PSG) sa Arakan, North Cotabato kamakailan.

Matapos ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) kagabi ay lumabas si Duterte sa gusali ng Batasan Pambansa at sinabi sa mga raliyista na wala na silang kakausapin dahil maging ang kanyang PSG advance party ay tinambangan ng NPA.

Sinasabing ang maka-kaliwang organisasyon ay prente ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ang NPA ang kanilang armadong grupo.

“Yes, I am ending my talks with the left,” tugon ni Duterte kung tinuldukan na niya ang usapang pangkapayapaan sa kilusang komunista.



“Pati ako, inambush ninyo, wala na kakausap sa inyo,” anang Pangulo sa mga rallyista.

Giit ng Pangulo, walang mangyayari sa kasisigaw nila sa kalsada dahil ang nag-udyok sa kanila na makibaka laban sa gobyerno na si CPP founding chairman Jose Ma. Sison ay nasa The Netherlands naman at may colon cancer na.

Masyado aniyang maraming hinihiling sa kanya ang mga maka-kaliwang grupo gayong isang taon pa lang siya sa poder at itinalaga niya sa kanyang gabinete ang ilang lider nila gaya nina DSWD Secretary Judy Taguiwalo, DAR Secretary Rafael Mariano at NAPC chief Liza Masa.

Tiniyak ni Duterte na siya ay Pangulo ng mahihirap , hindi ng mayayaman kaya’t ibibigay ng kanyang administrasyon ang mga pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan.

(ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *