HANGAD ng Alaska Milk, NLEX, Kia Picanto at Phoenix na maging maganda ang kanilang performance sa season-ending PBA Governors Cup na mag-uumpisa mamaya sa Smart Araneta Coliseum.
Katunggali ng Alaska Milk ang NLEX sa ganap na 7 pm. Magkikita naman ang Kia Picanto at Phoenix sa ganap na 4:15 pm.
Ang Aces at Fuel Masters ay sasandig sa mga datihang imports. Kinuha ng Alaska Milk si Buck Henton samantalang pinapirmang muli ng Fuel Masters si Eugene Phelps.
Ang import ng Road Warriors ay si Aaron Fuller samantalang ang sa Kia Picanto ay si Markeith Cummings na humalili sa kanilang original choice na si Chane Behanan na lumampas sa height limit na 6-5.
Tinulungan ni Henton ang Aces na magtala ng 6-5 karta sa elims pero nabigo ang Alaska Milk na magwagi kontra Barangay Ginebra sa quarterfinals.
Nais naman ni Fuller na tulungan ang Road Warriors mi coach Yeng Guiao na makaiwas sa maagang pagkakalaglag tulad ng nangyari sa kanila sa unang dalawang conferences kung saan sila ay nangulelat.
Si Cummings, na tumulong sa Batang Pier na umabot sa quarterfinals ng Governors Cup noong isang taon, ay nag-average ng 28.7 puntos, 10 rebounds, tatlong assists, 1,8 steals at 0.7 bkicks sa 43.4 minuto.
Ito ang ikatlong conference ni Phelps bilang import ng Phoenix. Naglaro siya sa Fuel Masters sa opening game sa nakaraang Commissioner’s Cup kung saan gumawa siya ng 53 puntos at 21 rebounds upang manalo ang Phoenix kontra sa Blackwater sa double overtime, 118-116. Siya ay pinalitan ng mas matangkad na si Jamell Mackay. (SABRINA PASCUA)