NANININDIGAN ang ilang miyembro ng National Committee on Language and Translation (NCLT) sa kanilang pagtutol sa panukalang House Bill 5091 na naglalayong ‘patibayin at paigtingin’ ang paggamit ng wikang Ingles bilang medium of instruction (MOI) sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Sa isang pulong pambalitaan na inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Biyernes, pinangunahan ng pinuno ng NCLT na si Dr. Michael Coroza, propesor sa Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University, ang pagpapahayag ng pagtutol sa HB 5091 na umano’y labag sa 1987 Philippine Constitution at hindi makatutulong sa pag-unlad ng wikang Filipino.
Nais ng NCLT na kontrahin ang panukalang HB 5091 o ang “An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the Medium of Instruction in the Educational System” ni Pampanga 2nd district representative Gloria Macapagal-Arroyo.
Bilang isang simbolikong protesta ng NCLT, ang mga miyembro nito, sa pangunguna ni Coroza, ay nagpunit ng mga papel na may nakasulat na “House Bill 5091.”
Ang simbolikong pagpupunit ay nataon sa paggunita ng pagkakatatag ng Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan nang mga Anak nang Bayan (KKK) na itinatag noong 7 Hulyo, isang rebolusyonaryong grupo na itinatag upang palayain mula sa mga mananakop ang Filipinas. Kung kaya naman, inihahambing nila ito sa pagpupunit ng cedula noon at ang pagtutol nila sa nasabing panukala.
Ang ilan sa mga miyembro ng NCLT ng NCLT ay nagpahayag ng kanilang pagsalungat sa HB 5091 at naglahad ng mga pananaliksik tungkol sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panuro sa kanilang paaralan.
“Sa amin sa UST, karamihan sa mga propesor na nagtuturo sa aming mga kolehiyong may “hard core” na kurso tulad ng Nursing at Chemistry ay ginagamit ang wikang Filipino. Kaya wala kaming problema sa paggamit ng wikang Filipino. Kaya, bakit pa kami pinakikialaman tulad ng House Bill 5091?” sabi ni Prof. Imelda P. De Castro ng Unibersidad ng Santo Tomas.
Nagpasaring si David San Juan, vice head ng NCLT, na nagsabing, “sana ay imbestigahan din natin ang iba pang mga anti-Filipino at anti-Makabayan na patakaran sa edukasyon na isinusulong ng ibang ahensiya ng gobyerno kagaya ng pagbura ng Filipino sa kolehiyo.”
Idinagdag ni San Juan na ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ay pawang may mga isyu sa pagpapatupad ng mga programa sa edukasyon na tungkol sa pagtuturo ng wikang Filipino at sa kasaysayang Filipino.
Iginiit ni San Juan na da-pat ibasura ang House Bill 5091, itaguyod at isulong ang wikang Filipino, at “palayain ang dila ng bayan.”
Naunang sinabi ni Arroyo sa isang panayam na ang kaniyang panukala ay para sa paghahasa sa aptitude, competence at proficiency ng mga mag-aaral na Filipino gamit ang wikang Ingles sa ilang mga competitive, umuusbong at fast-growing na mga industriya sa lokal at internasyonal tulad sa Information and Communication Technology (ICT)
Ang NCLT at ang KWF ay pawang nagpapahayag ng kanilang pagkontra sa HB 5091.
Ayon kay Roberto T. Año-nuevo, Direktor-Heneral ng KWF, ang kanilang komisyon ay nagpadala ng mga liham sa iba’t ibang mambabatas upang ipaliwanag ang posisyon ng kanilang tanggapan ngunit wala pa umanong tugon.
(IVEL JOHN M. SANTOS)