NAGING salamin ng iba’t ibang political spectrum ang administrasyong Duterte, nagtalaga kasi ang Pangulo ng mga opisyal mula sa iba’t ibang paniniwalang politikal may maka-kaliwa, may moderate at may maka-kanan. Dahil dito, hindi maiiwasan ang iringan.
EX-REBEL PRIEST VS
EX-REBEL SOLDIER
Sa nakalipas na taon ay naging matingkad ang tunggalian kina ex-rebel priest Leoncio “Jun” Evasco at ex-rightist leader na si National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino sa isyu ng rice importation na nagpaantala ng tatlong buwan sa pag-aangkat ng bigas ng bansa.
Bilang dating komunista, naniniwala si Evasco na maha-lagang sundin at irespeto ang kolektibong desisyon ng National Food and Agriculture Council (NFAC) na binasbasan ang government to private (G2P) rice importation o Minimum Access Volume (MAV).
Sa MAV scheme, ang pribadong sektor ang magbabayad pero ang gusto ni Aquino ay government-to-government importation na lalong maglulubog sa NFA sa utang, puwedeng magamit sa smuggling at corruption.
Sa banggaan ng dalawa ay naging collateral damage si Undersecretary Maia Chiara Halmen Valdez, kanang kamay ni Evasco na sinibak ni Duterte.
Makalipas ang tatlong buwan, nanaig ang kolektibong pasya ng NFAC na binubuo ng Cabinet secretary, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor, Deve-lopment Bank of the Philippines (DBP) chairman, Land Bank of the Philippines (LBP) president, Finance Secretary , Trade Secretary, NEDA Director-General, NFA at isang kinatawan mula sa sektor ng magbubukid.
Tinuldukan ng NFAC ang maliligayang araw ng rice smuggling syndicate na matagal ginamit na palaruan ang Subic Freeport Zone.
Hindi na puwedeng dumaan sa Subic Freeport Zone ang imported rice na papasok sa bansa at sa Zamboanga City port lamang puwedeng ipara-ting ang inangkat na bigas.
“Purely ministerial and mandatory” na lamang ang magiging papel ni Aquino, pagpirma lang sa import permit na kailangan ilabas sa loob ng isang araw.
Sa usaping ito, naging ma-timbang pa rin ang tagal nang pinagsamahan nina Duterte at Evasco at layuning tunay na paglilingkod sa bayan.
GINA LOPEZ VS
CARLOS DOMINGUEZ
IBINISTO ni Pangulong Duterte na ang pagkawala ni Gina Lopez sa kanyang gabinete ay bunsod ng “lobby money” na ginamit ng mining executives sa Commission on Appointments (CA) para hindi makompirma bilang DENR secretary.
Ngunit nauna rito’y ang word war nina Lopez at Finance Secretary Carlos Dominguez III dahil ipinasara ng DENR secretary ang operasyon ng 23 minahan, sinuspendi ang lima pa na ayon sa Finance chief ay magreresulta sa pagkawala ng 1.2 milyong trabaho.
Sa kabila ng suporta ni Duterte sa aniya’y crusader na si Gina, ang pasya ng CA ang nanaig at mabilis na iniluklok ng Pangulo si dating AFP Chief of Staff RET. Gen. Roy Cimatu bilang bagong DENR secretary.
“DRUG WAR” NI DUTERTE
PINAG-USAPAN
NG BUONG MUNDO
NANINIWALA ang Palasyo na well-funded ang demolition job laban kay Pangulong Duterte at ang isinusulong niyang drug war ang pinuntirya upang ipinta siyang berdugo sa mata ng buong mundo.
Pag-upo sa Malacañang ay idineklara ni Duterte, nawala na ang takot na gumawa ng krimen sa bansa dahil kaya nang bilhin ng drug money ang proteksiyon sa gobyerno hanggang sa ‘itaas.’
Hindi nangimi ang Pangulo na aminin na matagal nang umiiral ang narco-politics sa bansa na matagal na panahon at hanggang sa barangay ay kontaminado ng illegal drugs.
Inilarga rin ang kampanya sa pagtutuwid sa estadistika ng mga napatay sa drug war.
Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa, sa inilunsad na 62,751 anti-illegal drugs operations ay 84, 467 katao ang nadakip, may 3, 131 ang napaslang, 47 awtoridad ang nasawi at umabot sa 1,306,389 drug dependents ang sumuko.
Tagumpay ang drug war ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., sa kabila ng kristisismo sa Oplan Tokhang na naging Oplan Double Barrel.
Ang minimithi aniyang mapayapang pamayanan ay unti-unti nang nararanasan dahil ‘itinodo’ ng gobyerno ang puwersa upang ipatupad ang batas.
“Dahil sa maayos na peace and order ay naging mas ligtas ang mga mamamayan. Ang resulta ng isang mas tahimik na komunidad ay kaunlaran, mas marami ang negosyanteng naglalagak ng puhunan sa bansa na nagbibigay ng trabaho, so lumiit din ang unemployment rate,” dagdag ni Esperon.
PEACE PROCESS
LUMALARGA
MATINIK at masalimuot ang daan tungo sa kapayapaan pero maipagmamalaki ng gobyernong Duterte “on track” ang peace process ng administrasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), ayon kay Esperon.
Aniya, kahit hindi tumutupad sa ceasefire ang CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines –New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines ), maituturing na “may liwanag” ang prosesong pangkapayapaan sa rebeldeng grupo.
Naniniwala si Esperon, malaki ang nabawas sa kapabilidad ng Maute/Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) terror groups nang isailalim ng Pa-ngulo sa batas militar ang Mindanao. (ITUTULOY)
ni Rose Novenario