KALABOSO ang isang 33-anyos ginang na nasa aktong nilulunod ang 4-buwan gulang niyang sanggol sa Manila Bay, sa Malate, Maynila, kamakalawa ng umaga.
Aminado ang suspek na si Jane Gonzales, 33, lango siya sa alak at shabu nang inilulunod ang kanyang anak na si Baby Christian.
Aniya, nagawa niya iyon dahil sa pagkaburyong nang matigil ang sustento ng kanyang asawa para sa kanilang limang anak.
Kasalukuyang nakadetine sa Manila Police District(MPD) Police Station 9, ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 (Child Abuse Law).
Ayon kay MPD PS9 commander, Supt. Rodrigo Ramos, dahil sa epektibong police visibility sa kalsada dakong 10:30 am, nadakip si Gonzales nang nagpapatrolyang mga tauhan ng Roxas Boulevard Police Community Precinct (PCP), na sina PO2 Rico Narvacan, PO2 Randy del Rosario, PO1 Arce Saique, at PO1 Gerard Tubale.
Nauna rito, napukaw ang atensiyon ng nagpapatrolyang mga pulis sa lugar, nang isang concerned citizen ang humingi ng tulong at isinumbong ang isang babae na inilulunod ang kanyang sanggol sa Manila Bay.
Agad nagresponde ang mga pulis sa lugar at nailigtas ang sanggol mula sa kanyang ina.
Sinabi ng ginang, nagawa niya ang krimen dahil desperado na siya. Aniya, makaraan nilang mag-away ng kanyang asawa, tumatanggi nang magbigay ng suportang pinansiyal para sa kanilang limang anak.
Nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggol na lalaki upang mabigyan ng kaukulang atensiyon at pangangalaga.
(BRIAN GEM BILASANO)