Monday , December 23 2024

Road rage sa QC: Gunman hindi makalulusot sa QCPD

LUTAS na! Ang alin? Iyong nangyaring malagim na road rage nitong nakaraang Sabado, 25 Pebrero 2017 dakong 3:00 pm, sa kanto ng Quezon Ave., at D. Tuazon St., Brgy. Doña Josefa, Quezon City.

Teka, ba’t ang bilis naman yatang nalutas ang krimen? Nahuli na ba ang bumaril at nakapatay sa motorcycle rider na si Anthony B. Mendoza?

Isa-isa lang ang tanong brader, mahina ang kalaban.

Unang tanong? ‘Ika mo’y, ba’t mabilis yatang nalutas ang krimen? Mukhang may pagdududa yata ang tanong mo brader.

Hetong sagot diyan. Nagkamali yata ang suspek sa pagkakalat ng kasigaan niya. Quezon City pa ang kanyang napili.

Tsk tsk tsk…

Alam mo naman kapag QCPD ang magtrabaho. Walang nakalulusot na kriminal kay Quezon City Police District (QCPD) director, P/Chief  Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, sampu ng kanyang operating unit – ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU)  na pinamumunuan ni Supt. Rodelio Marcelo.

Maraming beses nang pinatunayan ito ng QCPD. Paano kasi… laging high morale sa pagtatrabaho ang pulisya ng QC dahil sa hindi matatawarang leadership na ipinamamalas ng kanilang District Director.

Sino ‘yon? Si C/Supt. Eleazar. A, oo… saludo ang bayan sa kasipagan at galing ng opisyal na iyan.

O, teka, naaresto na ba ang pumatay kay Mendoza, kaya lutas na ang kaso? Hindi pa naman nadadakip kundi tukoy na… kilala na at hinahanting na si Fredison Ong Atienza na isang kilalang manlalaro ng poker.

Kaya, hindi pa nadadakip ang mama, maikokonsiderang lutas na ang kaso. Tukoy na kasi ang loko bukod sa nagpahiwatig na rin siyang susuko sa pamamagitan ng kanyang abogado na nakipag-ugnayan na umano kay Eleazar kamakalawa.

Labo yata ano, ‘di ba maling plaka ang nakuha ng mga saksi? So, paano natunton o natukoy ng QCPD ang pagkakakilanlan kay Atienza? Utak. Yes, utak at guidance mula sa Panginoon ang ginamit ni Eleazar para matukoy ang suspek para sa ikareresolba ng krimen.

Dahil nga mali o magkakaiba ang impormasyon na ibinigay sa QCPD ng ilang saksi partikular sa plaka ng Toyota Land Cruiser na gamit ni Atienza nang maganap ang krimen.

Sa pangunguna ni Eleazar, kasama ang mga imbestigador ng CIDU minabuti nilang suriin ang mga kuha ng CCTV na naka-install sa mga lansangan, hindi lamang sa pinangyarihan ng krimen kundi maging sa mga lugar na posibleng dinaanan ng Toyota bago at matapos ang krimen.

Hayun, sa tulong ng mga recorded video (mula sa kuha ng local government installed CCTV sa mga lansangan ng lungsod) lalo sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Center (QCDRRMC) – playing James Bond role si  General ha. Hayun,  natukoy ang sasakyan lalo na ang plaka nito – AHA 3458. Hindi na nag-aksaya ng oras ang QCPD. Sa beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO) natukoy na nakareshistro ang sasakyan kay Hazel Joyce Atienza ng Grace Village, Quezon City. Si Hazel Joyce ay anak ni Fredison.

Sa tulong ni Hazel, nabatid ng CIDU na ang gumamit sa sasakyan nang mangyari ang krimen ay kanyang tatay, si Fredison. Ayos! Solved case na nga!

Sa pamamagitan ng social media, nakilala ang mukha ng suspek kaya nakapag-print ang QCPD ng kopya na tugma sa isinalarawan ng saksing kapatid ng biktima na si Michael.

Nang ipakita ni Eleazar kay Michael ang retrato ni Fredison alyas Sonson, 101 percent niyang kinilala na si Fredison ang bumaril at pumatay sa kanyang kapatid. Solved na solved nga ang kaso. Walang lusot si Fredison.

Nakaangkas si Michael sa motorsiklo ng biktima, nang barilin at patayin si Anthony ng suspek.

Hindi rito nagtapos ang imbestigasyon, nabatid din ng CIDU na may dalawang baril si Fredison, kalibre .45 at .9mm caliber pero, ayon sa PNP Firearms and Explosive Office (FEO), kapwa paso na ang lisensya para sa dalawang baril.

Samantala, isang .9mm ang tumapos sa buhay ni Anthony base sa narekober na basyo ng bala ng .9mm sa crime scene.

Habang isinusulat, hindi pa sumusuko ang nakatatandang Atienza sa kabila ng pagpapahiwatig na susuko na siya. Ngunit sa kabila nito, patuloy nang hinahanting ng CIDU si Fredison na nagtatago sa bisinidad ng Visayas region.

Ang galing talaga ng QCPD, sa loob lamang ng ilang oras – wala pang 24 oras, tukoy na ang pangunahing salarin sa madugong road rage. Kung kaya, puwede nang maikonsiderang lutas na ang kaso.

Fredison, sabi ni Gen. Eleazar, mas mabuti pa’y sumuko ka na.

Sa QCPD, Gen. Eleazar, Supt. Marcelo, C/Insp. Monsalve, CIDU -Homicide chief, saludo ang taongbayan sa inyo. Kudos QCPD!

Ops, sa Bureau of Fire and Protection (BFP)… baka akala ninyo tapos na ang AKSYON AGAD sa pagbubunyag sa kalokohan ninyo. Hindi pa mga kolokoy! Humanda kayo mga FSI! Ang yayaman n’yo na pala ha!

Kaya pala kahit wala na’ng travel allowance.

AKSYON AGAD – Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *