IPINAHAYAG ni Ria Atayde ang kanyang nararamdaman sa pagbabalik sa seryeng My Dear Heart. Ang Kapamilya seryeng ito ay tinatampukan nina Zanjoe Marudo, Bela Padilla, ng batang si Nayomi “Heart” Ramos, Ms. Coney Reyes, at iba pa.
Sa mga naunang espisodes nito, ipinakitang si Gia (Ria) ang college sweetheart ni Zanjoe. Nang nalaman ng ina ng dalaga na ginagampa-nan naman ni Coney bilang si Dr. Divinagracia na buntis na si Gia, hindi niya ito ipinaalam sa iba. Nang nanganak si Gia, akala niya ay namatay ang anak, ngunit ang hindi niya alam ay ipinamigay ito ng nanay niya at eventually ay nawala ng taong pinagbigyan ng naturang baby.
Sa tulong ng tadhana, si Jude (Zanjoe) ang nakakuha ng bata at inampon nila ito ni Bela. Ngunit hindi nila alam na tunay na anak nila ni Gia ang batang si Heart.
Ngayong nagbabalik na si Ria sa seryeng ito, aminado siyang magkahalo at iba-iba ang kanyang nararamdaman.
“I’m super-excited po and nervous, of course, Coney Reyes iyon, eh. Ang maganda po, kasi hindi po siya intimidating… si Tita Coney pa po yung tumutulong sa akin sa mga eksena po. Of course, maraming preparations po ang ginagawa ko para sa aking role rito. Super binabasa ko po iyong script, paulit-ulit,” wika ni Ria.
Magiging kontrabida ka ba rito?
Sagot ng magandang anak ni Ms. Sylvia Sanchez, “Lumalabas po na parang kontrabida bale yung character ko ngayon dito, kumbaga ay napatatag ng panahon. From being an insecure character to a strong, successful and professional doctor. Napatatag po siya ng stay niya sa London, kaya po parang nagbago na nga iyong character ko sa seryeng ito.”
Samantala, inusisa namin kung bakit ganito ang post ni Ria sa Instragram: Pagkatapos ni Joaquin at Cardo, si Margaret at Gia naman ang maghaharap. Mula sa relasyon na ganito, nagbago na nga ba ang lahat? Sabay-sabay nating panoorin sa #MDHMagkalaban.
PS: It is still so surreal to me that I get to have Miss @coneyreyes as my mother. I remain humbled and honored for this opportunity.
Esplika ni Ria, “Surreal in the sense na dreamlike po. Sino ba naman po ang hindi matutuwa kung siya po yung makatrabaho nila? The fact that we’re on the same show is already so nice and such a good career milestone. Tapos nanay ko pa po siya sa show? I’m not only learning about my craft more, but also enjoying her company and lessons.
“Pangarap ko po noon na makatrabaho siya at eto na po kami. Bilang baguhang artista, super nakakatuwa po yung opportunity na Ito.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio